LEGAZPI CITY, Albay | Matapos itaas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ang Red Alert Status kaugnay ng Tropical Cyclone #AdaPH, agarang isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang buong paghahanda upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad na posibleng maapektuhan.

Sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, pinananatili ng DSWD Bicol ang mahigpit na koordinasyon sa Provincial, City, at Municipal Social Welfare and Development Offices (P/C/MSWDOs), gayundin sa mga Local Government Units (LGUs). Kabilang sa mga prayoridad ang agarang pagtatayo ng Child-Friendly Spaces (CFS) at Women-Friendly Spaces (WFS) sa mga evacuation center upang maprotektahan ang mga bakwit, lalo na laban sa panganib ng gender-based violence sa panahon ng sakuna.

Nakahanda na ring i-deploy ang mga mobile assets ng ahensya, kabilang ang mobile kitchen at mobile command center na kasalukuyan ring nasa iba’t ibang evacuation centers dulot ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon, bilang karagdagang suporta sa mga LGU. Aabot naman sa kabuuang β‚±158,851,949.75 na standby funds at relief stockpiles ang nakahanda para sa augmentation, kabilang na ang 171,408 Family Food Packs at mahigit 13,058 non-food items gaya ng hygiene kits, family kits, sleeping kits, kitchen kits, at iba pa.

Tiniyak ni Regional Director Laurio na sapat ang relief resources ng DSWD Bicol at tuloy-tuloy ang koordinasyon sa mga LGU, kahit pa nagpapatuloy ang operasyon ng ahensya kaugnay ng Mayon Volcano at shearline. β€œKahit tayo ay kasalukuyang may mga operasyon dulot ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon at shearline, handang-handa ang ating resources, pondo, at social protection mobilities para sa pagdating ng unang bagyo ng taon dito sa Bicol,” pahayag ni RD Laurio.

Agad namang naka-activate ang Quick Response Teams (QRTs) ng Disaster Response Management Division at ng iba’t ibang Provincial/City/Municipal Social Welfare and Development (P/C/MSWAD) offices sa rehiyon, at nakadeploy sa mga pantalan at barangay na posibleng tamaan ng bagyo upang magsagawa ng agarang pagtugon at monitoring.

Ang maagap na paghahandang ito ay sumasalamin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa patnubay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na paigtingin ang kahandaan ng pamahalaan at itaguyod ang isang mas matatag at disaster-ready na bansa.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD