Muling nagsama-sama ang mahigit 720 parent-partner beneficiaries ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Tara, Basa! Program sa isinagawang payout activity noong ika-13 ng Hulyo 2026 sa Provincial Gymnasium, Sorsogon City.

Bukod sa pagtanggap ng kanilang participation incentives, naging pagkakataon din ang aktibidad upang muling magkita ang mga magulang na aktibong nakilahok sa 20-day Tutoring and Parenting Sessions mula sa 28 implementing elementary schools sa lungsod. Makikita sa kanilang mga ngiti ang bunga ng kanilang aktibong pakikibahagi sa programa at ang kanilang patuloy na suporta sa pagkatuto ng kanilang mga anak.

Ang mga natanggap ng mga magulang ay pagkilala sa kanilang aktibong partisipasyon sa parenting sessions habang ang kanilang mga anak ay tumatanggap ng reading interventions mula sa mga Tutors. Sa pamamagitan naman ng mga Youth Development Workers (YDWs), napalawak ang kanilang kaalaman sa responsableng pag-aaruga, positibong pagdidisiplina, at iba pang mahahalagang paksa na makatutulong sa kanilang tungkulin bilang pangunahing guro ng kanilang mga anak sa tahanan.

Sa kabuuan, umabot sa Php 3,209,395 ang naipamahaging participation incentives sa mga kwalipikadong parent-partner beneficiaries. Ang bawat magulang ay tumanggap ng Php 235 kada araw ng pagdalo, o kabuuang Php 4,700 matapos makumpleto ang 20-araw na parenting sessions.
Ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang kanilang natanggap na insentibo bilang pandagdag sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, lalo na sa paghahanda ng kanilang mga anak para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Samantala, muling ipinamalas ng mga Tutors at Youth Development Workers ang diwa ng bolunterismo nang maglingkod sila bilang karagdagang suporta sa payout activity upang matiyak ang maayos, mabilis, at organisadong pamamahagi ng participation incentives sa mga magulang.
Ang pagpapatupad ng Tara, Basa! Program ay bahagi ng mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang literacy interventions at suporta sa edukasyon ng mga pamilyang Pilipino.

Sa patuloy na gabay ni Secretary Rex Gatchalian, isinusulong ng ahensiya ang mga programang nagpapalakas sa papel ng mga magulang bilang unang guro ng kanilang mga anak, kasabay ng pagbibigay ng makabuluhang oportunidad sa mga kabataan na makibahagi sa nation-building.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang payout activity sa tulong ng Lokal na Pamahalaan ng Sorsogon City at Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon, habang patuloy na pinangungunahan ni Regional Director Norman S. Laurio ang pagpapatupad at pagpapalawak ng Tara, Basa! Program sa Bicol upang maabot ang mas marami pang pamilyang nangangailangan.