Isa sa maituturing na tagumpay ng isang tao ay ang makapagtapos ng pag-aaral. Para sa pamilyang Bernardo mula Catanduanes, ang pagtatapos ng kanilang mga anak ay hindi lamang simpleng tagumpay, kundi bunga ng maraming pagsubok, hirap, at sakripisyo na kanilang pinagdaanan bilang mga magulang. Naranasan nila ang maraming paghihirap sa buhay, ngunit kailanman ay hindi nawala sa kanilang puso at isipan ang hangaring mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Kahit mahirap ang buhay at maraming pagsubok ang kinaharap, hindi sila nawalan ng pag-asa at patuloy silang naniwala sa kakayahan ng kanilang mga anak.

Dumating sa puntong kinakailangan nilang mangutang upang matustusan ang gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa kabila ng mga negatibong komento at panghuhusga ng iba, hindi nila naisip na patigilin ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Hindi nila pinakinggan ang mga negatibong komento dahil alam nila na bilang mga magulang, sila ang pinaghuhugutan ng lakas ng loob at pag-asa ng kanilang mga anak. Sa halip na panghinaan ng loob, mas lalo pa nilang pinag-igihan dahil alam nilang maraming mata ang naghihintay na sila ay mabigo.

Patuloy silang lumaban at nagtutulungan bilang isang pamilya. Naging katuwang nila ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na nagsilbing tulong upang maipagpatuloy ng kanilang mga anak ang pag-aaral.

Sa pamamagitan ng programang ito, nabawasan ang kanilang pangamba sa gastusin at mas nabigyan nila ng pagkakataon na maitaguyod ang edukasyon ng kanilang mga anak. Ang mga intervention ng programa ay nakatulong upang mapatatag ang kanilang pamilya at mapanatili ang kanilang determinasyon na maiahon ang kanilang mga anak sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.

At ngayon, makikita na nila ang bunga ng kanilang mga sakripisyo at pagtutulungan bilang isang pamilya. Ang kanilang mga anak ay matagumpay nang nakapagtapos ng pag-aaral at ito ay kanilang lubos na ipinagmamalaki.

Masasabi nilang malayo pa, pero malayo na ang kanilang narating. Maaaring marami pang pagdaanan na pagsubok ang kanilang mga anak, ngunit naniniwala sila na kakayanin nilang malampasan ang lahat ng iyon.

Ang bawat pagod at bawat araw ng hirap ay kanilang tiniis at tinaguyod upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anak. Ang kanilang karanasan ay patunay na kahit mahirap ang buhay, may pag-asa pa rin. Ang pagtitiwala sa Diyos, ang pagtutulungan, sakripisyo, at determinasyon ay mga susi sa pag-angat ng buhay.

Nawa ay magsilbing inspirasyon ang kanilang kwento sa mga pamilyang dumaranas din ng mga paghihirap, na sa kabila ng kahirapan, may pag-asa, at may mga programang handang umalalay tulad ng 4Ps na patuloy na nagbibigay ng oportunidad para sa mas magandang kinabukasan.