Sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, masigasig na pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VโBicol Region ang pamamahagi ng kabuuang PHP 3,518,185 na participation incentives sa 802 magulang at tagapangalaga na partner-beneficiaries ng Tara, Basa! Program sa Naga City noong Hulyo 16, 2026.
Sa tulong ng mga Angels in Red Vests, tinanggap ng mga magulang at tagapangalaga ang kanilang insentibo bilang pagkilala sa kanilang aktibong partisipasyon sa programa, na sumusuporta sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang seguridad ng bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon at aktibong pakikilahok ng mga magulang sa paglinang ng literasiya sa tahanan.
Bilang dagdag na motibasyon, tumatanggap ang mga magulang ng PHP 235 na daily participation incentive sa bawat araw ng kanilang pagdalo, o kabuuang PHP 4,700 kapag nakumpleto nila ang 20-araw na implementasyon ng programa.
Matatandaang sa implementasyon, isinagawa ang dalawang pangunahing bahagi nito. Ang tutoring sessions ay pinangunahan ng mga Tutor partner-beneficiaries na nagbigay ng reading, writing, at numeracy interventions batay sa kakayahan ng mga batang hirap bumasa. Samantala, dumalo rin ang mga magulang at tagapangalaga sa parenting sessions na pinangunahan ng mga Youth Development Worker (YDW) partner-beneficiaries upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa positibong pag-aalaga at pagsuporta sa pagkatuto ng kanilang mga anak.
Bilang isa sa mga flagship programs ng ahensiya, patuloy na isinusulong ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan, lalo na sa mga nag-aaral sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad na may kinahaharap na hamong pinansyal, na maging kabahagi ng nation-building habang napapalakas ang kanilang kakayahang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng cash-for-work (CFW) program.
Kaya naman, ilan sa mga Tutor at YDW partner-beneficiaries ay muling naglaan ng kanilang oras upang tumulong sa payout activity bilang boluntaryong serbisyo, na naging daan sa mas mabilis at organisadong pamamahagi ng participation incentives sa mga magulang at tagapangalaga.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Naga City, Camarines Sur, naging maayos ang pagsasagawa ng payout activity, na nagpakita ng sama-samang pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad upang maisulong ang edukasyon at mas matatag na kinabukasan ng bawat batang Pilipino.
