Ang linyang ito ay sumasalamin sa naging paglalakbay ng pamilya ni Gng. Emma Guerrero Tivar ng Barangay Lictin, San Andres, Catanduanes. Tulad ng maraming pamilyang dumaraan sa kahirapan, kinaharap nila ang takot, pangamba, at kawalan ng kasiguraduhan sa araw-araw.

Ngunit sa kabila nito, pinili nilang lumaban para sa kinabukasan ng kanilang mga anak, kahit hindi sigurado kung saan sila dadalhin ng kanilang pagsisikap.

Bago pa man sila maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), simple at mahirap ang kanilang pamumuhay. Madalas ay kinakapos ang kinikita sa pagkain at pangangailangan sa eskwela, at may mga pagkakataong pumapasok ang mga bata na walang baon o kulang sa gamit. Ngunit hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy nila ang pag-aaral at mangarap para sa mas magandang kinabukasan.

Noong 2011, napabilang ang pamilya Tivar sa mga benepisyaryo ng 4Ps, at mula noon ay unti-unting nagbago ang kanilang buhay. Nagkaroon ng sapat na baon at gamit sa paaralan ang mga bata at mas napangalagaan ang kanilang kalusugan. Natuto ring mag-ipon si Gng. Emma mula sa natitipid sa cash grants at nakapagsimula ng maliit na tindahan na ngayon ay unti-unting lumalago. Malaki rin ang naitulong ng Family Development Sessions sa tamang pagba-budget, pagpapalaki ng mga anak, at pagpaplano para sa kinabukasan ng pamilya.

Dumating man ang pagsubok nang mawalan ng trabaho ang kanyang asawa, naging sandigan nila ang programa upang may pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan hanggang sa makabalik ito sa trabaho. Sa tulong ng pagtutulungan, pagtitipid, at pagsisikap ng bawat miyembro ng pamilya, unti-unti nilang naitaguyod ang mas maayos na pamumuhay at natustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Hindi lamang sa kanilang pamilya naging makabuluhan ang kanilang karanasan. Aktibo ring nakikilahok ang pamilya sa mga gawain sa komunidad at ibinabahagi ang kanilang mga natutunan mula sa FDS upang makatulong at makapagbigay inspirasyon sa iba.

Patuloy ang pangarap ng mag-asawa na mapagtapos sa kolehiyo ang kanilang mga anak. Para sa pamilya Tivar, ang kanilang kwento ay patunay na kahit may takot at hirap sa simula, kayang malampasan ang lahat sa tulong ng pagsisikap, pagtitiyaga, pagkakaisa ng pamilya, at mga programang handang umalalay sa mga pamilyang nangangailangan.