LEGAZPI CITY—Matagumpay na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V (FOV) ang ikatlong serye ng Nutrition Education Session (NES) ng Walang Gutom Program (WGP), na dinaluhan ng higit 28,809 benepisyaryo mula sa tatlong lalawigan ng rehiyon mula May 21-30, 2025.
Magkakasabay na idinaos ang mga serye ng NES sa Albay, Camarines Sur, at Sorsogon na siyang mga pangunahing lalawigan na pinagdarausan ng programa sa Bicol.
Sa Camarines Sur, 15,717 benepisyaryo ang aktibong dumalo; 8,287 naman sa Albay; habang 4,805 sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa 19-taong gulang na si Joshua Cabanes, residente at benepisyaryo ng prorgrama mula Brgy. Pineda, Pilar, Sosogon, malaking bahagi ng kaniyang natutuhan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng food consciousness ng isang indibidwal.
Malaking bahagi rin ng kaniyang pagkatuto ang kahalagahan ng programa sa paghubog ng malusog na pamumuhay.
“Ang Walang Gutom Program po pala ay hindi lang tungkol sa pag-siguro na ang bawat pamilyang Pilipino ay may sapat na pagkain sa isang buwan; nandito rin ito para turuan tayo kung paano mag-provide ng nararapat na pagkain sa ating pamilya upang makamit ang healthy lifestyle,” ani Cabanes.

Saklaw din ng ikatlong serye ng sesyon ang tama at ligtas na paghahanda ng masustansiyang pagkain at ang makapagbigay ng praktikal na kaalaman sa paghain ng ligtas at abot-kayang pagkain sa kani-kanilang pamilya.
Mahalagang tungkulin din ng isang benepisyaryo ng WGP ang pagdalo sa NES upang sila’y makapag-redeem ng pagkain sa isinasagawang food redemption day ng programa kada buwan.
Ang mga serye ng sesyon na ito ay ikatlo pa lamang sa limang bahagi ng NES na sinimulan nitong Marso ng kasalukuyang taon. Inaasahan na muling dadalo para sa ika-apat na NES ang mga benepisyaryo sa susunod na buwan, Hunyo 2025.
Bahagi ang NES ng mas malawak na adbokasiya ng Department of Social Welfare and Development sa pagwakas ng suliranin ng inseguridad ng pagkain at kagutuman sa bansa.