
Sa maliit na barangay ng Biga-a sa Palanas, Masbate, matatagpuan ang tahimik ngunit nakakaantig na kuwento ng isang inang hindi sumuko sa hamon ng kahirapan, si Ginang Merlieta Compracion. Sa kabila ng payak na pamumuhay at patuloy na paghihikahos noon, hindi niya pinanghinayangan ang bawat araw na lumilipas. Sa halip, ginawa niyang sandigan ang pag-asa at ang pagnanais na maiangat ang estado ng kanyang pamilya.
“Noon, hirap na hirap kami. Pero ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang naging kaagapay ko nang mahigit isang dekada,” masayang pagbabahagi ni Merlieta. Taong 2010 nang maging pormal siyang benepisyaryo ng programa at dito na nagsimula ang malaking pagbabago sa kanyang buhay. Sa parehong taon, naatasan din siyang maging Parent Leader, isang tungkuling hindi niya inasahang magbubukas ng mas malalaking oportunidad.
Bilang aktibong volunteer noon sa barangay, unti-unting nahubog ang kakayahan niya sa pamumuno at pakikipag-ugnayan. Sa kasalukuyan, siya na ang Treasurer ng kanilang barangay, isang patunay na ang isang simpleng ina ay maaaring maging haligi ng komunidad kung bibigyan ng pagkakataon at tamang suporta.
“Ang mga aral na natutunan ko sa pagiging benepisyaryo, dala-dala ko hanggang ngayon,” wika niya.
Pinakamalaking ambag ng 4Ps sa buhay ng pamilya ni Ginang Merlieta ay ang pagpapabuti ng kalusugan at nutrisyon ng kanyang mga anak. Sa tulong ng cash grants, natugunan ang mga pangunahing pangangailangan at nabigyang pansin ang edukasyon isang aspetong noon ay halos hindi nila makayanan.
Hindi lamang iyon. Nabigyan din ng dagdag na hanapbuhay ang kanyang asawa nang mapabilang ito sa Trabahong Lansangan ng DPWH noong 2014. Siya naman ay nakalahok sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD kung saan natuto siya ng food processing at iba pang kasanayang pangkabuhayan. Samantala, ang pagiging parent leader niya sa loob ng 12 taon ay tuluyang naghubog sa kanyang kakayahan sa pakikipagtalastasan, pamumuno, at higit sa lahat, sa pagkakaroon ng mabuting tiwala sa sarili.
Ang pinakamatingkad na patunay ng tagumpay ni Ginang Merlieta ay ang pag-abot ng kanyang mga anak sa kani-kanilang pangarap. Dalawa sa kanila ay matagumpay nang nakapagtapos ng kolehiyo. Ang pangalawang anak ay nagtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education major in Mathematics (2022), isa nang Licensed Professional Teacher at Civil Service Professional Eligible, at kasalukuyang staff sa MSWDO – LGU Palanas. Ang pangatlong anak naman ay nagtapos ng Bachelor of Science in Agriculture and Biosystems Engineering (2024) at isa nang Licensed ABE, na ngayon ay Branch Supervisor sa Lay Bare Company. Ang bunso ay nasa ikaapat na taon sa kursong BS Industrial Technology major in Automotive Technology at patuloy na humahakbang tungo sa isang magandang kinabukasan.
“Nang dahil sa programa, unti-unti naming naabot ang estado namin ngayon. Noon, hindi ko maabot ang mga pangarap ng aking mga anak. Pero ngayon, nakikita ko na silang nakatayo sa sarili nilang mga paa,” mangiyak-ngiyak na kwento nito.
Para sa kaniya, hindi nasusukat sa halaga ng pera ang naging ambag ng 4Ps. Ito ay naging sandigan ng kanyang pamilya, isang tulay para matutuhan niya ang wastong pagpapahalaga sa kalusugan, edukasyon, pag-uugali, at pagiging aktibong mamamayan. Ang Family Development Sessions (FDS) ay nagturo sa kanya ng iba’t ibang kaalaman na nagamit niya bilang magulang at bilang lider.
“Sukat man ang ayuda, pero ang natutunan ko ay hindi kailanman mapapantayan,” ani niya. “Bitbit ko ito hanggang bukas at maibabahagi ko sa kapwa.”
At sa kanyang pag-ahon, dala ni ng Pamilya Compracion ang pangarap hindi lamang para sa sarili, kundi para sa kanyang pamilya at komunidad, isang tunay na kuwento ng pagsisikap, pag-unlad, at inspirasyon.
