
Camalig, Albay—Mahigit 600 benepisyaryo ng Walang Gutom Program ang nakatanggap ng kanilang food baskets sa isinagawang espesyal na food redemption activity kahapon, 13 Setyembre 2025 sa Camalig, Albay.
Kasabay ito ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pinili ring ipaabot ang kanyang malasakit sa mga pamilyang Bicolano.
Tinatayang 671 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ng Camalig ang tumanggap ng food baskets mula sa tatlong food packages na inihanda ng mga retailers ng programa.
Sa espesyal na redemption din na ito inilunsad ang bagong mukha ng mga food baskets kung saan bawat benepisyaryo ay malayang makakapili ng isa sa tatlong inihandang food packages ng programa.
Bawat isang package ay naglalaman ng mga pagkain na may katumbas na iba’t-ibang food commodities na angkop sa mga klase ng mga pagkain na gusto at madalas kainin ng pamilya ng isang benepisyaryo.
Para sa senior citizen at PWD na si Evangeline Moranicio mula Brgy. Taladong na pumili ng Food Package A, higit pa sa laman ng food basket ang dala nitong ginhawa, isa itong paalala na hindi sila nakakalimutan ng pamahalaan.
“[Nakatutuwa] kasi mas suwak sa aming pamilya ang makukuha naming pagkain,” ani Moranicio. “Malaking tulong at kaginhawaan talaga lalo na sa mga walang hanapbuhay at katulad kong PWD.”
Naglalaman ang kaniyang food package ng 25kg bigas, 1 litro mantika, 1kg macaroni, 1kg manok, 1 tray itlog, 1/2kg mongo, 1/4kg dilis, 1kg asin, 1/4kg bawang at sibuyas, 2 piraso mansanas at ponkan, 1 piraso kalabasa, at 1/2kg kalamansi.
Hakbang ito upang matiyak na hindi lamang natutugunan ng programa ang pangangailangan ng bawat pamilya sa sapat at masustansiyang pagkain, ngunit maging na rin sa pag-priyoridad ng kanilang mga nais o paboritong mga pagkain.
Ang Walang Gutom Program ay nananatili ring sagot sa panawagan ng mga Pilipino para sa mas malusog na pamumuhay, at sa espesyal na okasyong ito, higit pang naging makabuluhan ang selebrasyon ng kaarawan ng Pangulo.
Ayon naman kay Regional Director Norman S. Laurio, ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang simpleng pamamahagi ng pagkain kundi isang konkretong hakbang sa pagtiyak na wala nang pamilyang Pilipino ang magugutom sa bansa.
“Sa pamamagitan ng Walang Gutom Program, layunin nating maibsan ang pasanin ng mga pamilyang food poor at maitaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Ang espesyal na food redemption din na ito, ay handog sa kaarawan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patunay ng malasakit ng pamahalaan upang masigurong may pagkain sa hapag ang bawat pamilyang Bicolano,” saad ni RD Laurio.
Personal din niyang tinungo ang nasabing redemption kung saan niya masusing sinuri ang bawat food packages at minabuting tingnan na ang nilalaman nitong mga pagkain ay malinis, sariwa, de-kalidad, at ligtas na matatanggap ng bawat pamilyang benepisyaryo.
Sa pamumuno ni Sec. Rex Gatchalian at aktibong pagpapatupad ni RD Laurio ng programa sa rehiyon, layunin ng programa na ipagpatuloy at palawakin pa ang saklaw ng programa sa mga susunod na buwan upang mas maraming pamilya ang makinabang.
