May tamang panahon ang lahat ng bagay—sabi nga sa kanta ng sikat na P-Pop girl group na BINI:
“Minsan ay nalilimutang huminga sandali
Magpahinga lang saglit (Oh-oh, oh-oh, oh-oh)
At ‘di kailangang magmadali para magwagi…
‘Wag mag-alala, buhay ay ‘di karera.”
Ito mismo ang pinatunayan ni Lola Victoria Luna Daria ng Garchitorena, Camarines Sur. Sa edad na animnapu’t isa, siya ang naging pinakamatandang nagtapos ng Senior High School sa kanilang bayan—sa tulong ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd) at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region.
Kwento ni Lola Victoria, anim ang kanilang anak na magkasama nilang itinaguyod ng kanyang asawa—siya sa paggawa at pagbebenta ng tiklad (pambubong na yari sa nipa), habang ang kanyang kabiyak ay nangingisda. Aminado siya: kulang ang kanilang kabuhayan para mapagtapos ang anim na anak. Kaya’t laking pasasalamat nila nang mapabilang sa Set 3D ng 4Ps.
“Gamit po ang Conditional Cash Transfer (CCT), nakakabili kami ng gamit sa paaralan ng mga bata—uniform, school projects. Ang kita po namin sa araw-araw, napupunta naman sa pagkain sa mesa,” kwento niya.
Kasabay ng pag-aaral ng mga anak, dumadalo rin siya sa Family Development Sessions (FDS)—isa sa mga pinakapaborito niya sa ilalim ng programa.
“Ang edukasyon ay hindi lang para sa mga bata. Ito ay karapatan ng lahat—bata man o matanda,” ani Victoria.
Kaya naman nang makapagtapos na ang kanyang bunsong anak at wala nang estudyante sa kanilang pamilya, isang tanong ang sumagi sa kanyang isipan—na tila may kasabay na kasagutan:
“Kaya ko pa kaya? Kung kaya ko pang matuto sa FDS, baka hindi pa huli ang lahat,” ani Victoria.
At dito, tila muling nabuhay ang batang si Victoria—ang batang minsan ding nangarap na makapagtapos.
“Sabi ko nun, tapos na ang mga anak ko, baka puwedeng ako naman. Baka puwedeng matupad ko yung pangarap na dati’y tinalikuran ko. Kahit Senior High School lang muna,” dagdag pa niya.
Bitbit ang suporta ng pamilya at lakas ng loob na binuo ng 4Ps, nag-enroll si Lola Victoria sa ALS. At noong nakaraang buwan, matagumpay siyang nagtapos. Sa araw na iyon, hindi lang siya nagsuot ng toga—nagsilbi rin siyang buhay na patunay ng pag-asa, matapos siyang mapiling magbigay ng recognition speech.
“Ang 4Ps ang naging tulay naming mag-anak para makapag-aral—hindi lang ang mga anak ko, kundi pati na rin ako. Malaking bagay talaga. Kung wala ito, baka ‘di ako nagkaroon ng lakas ng loob na magbalik-eskwela,” luhaang pahayag niya sa taas ng entablado.
Ayon sa isa sa kanyang mga guro, hindi mo aakalain na siya ang pinakamatanda sa klase—palaging handang matuto, aktibo sa diskusyon, at bukas ang puso sa bagong kaalaman. Para kay Lola Victoria, hindi lang ito tungkol sa diploma. Ito ay para sa kanyang mga apo, sa kanyang komunidad, at sa bawat isa na naniniwala: hindi hadlang ang edad sa pangarap.
Dahil sa dulo ng lahat, ang buhay ay hindi karera.
Hindi ito paligsahan kung sino ang unang makarating.
Ang mahalaga—patuloy kang sumusubok. Patuloy kang lumalaban. Patuloy kang nangangarap.