
“Bili ng karne, hiwa, babad sa panimpla, tuhog, tinda ng barbecue.”
Ganito ikinuwento ni Nanay Joey Cerillo ng Ocampo, Camarines Sur ang kanilang araw-araw na pinagkukunan ng kabuhayan. Ang simpleng pagtitinda ng barbecue ang nagsisilbing pangunahing hanapbuhay ng pamilya, habang ang kanyang asawa ay kumikita bilang karpintero tuwing may nangangailangan.
Sa kabila ng sipag at tiyaga, aminado si Joey na madalas pa rin silang kapos, lalo na noong nagsisimula nang pumasok sa paaralan ang kanilang mga anak.
“Mahirap po, lalo na kapag nagsabay-sabay na ang school fees at projects. Kaya naging suki din po kami sa lending. Utang dito, utang doon para masuportahan ang pangangailangan ng mga bata,” kuwento ni Joey.
Taong 2022 nang magbago ang takbo ng kanilang buhay. Naging bahagi sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at ayon kay Joey, agad nilang naramdaman ang ginhawa. Nakatulong nang malaki ang cash grants para sa gastusin sa paaralan at nutrisyon ng kanilang mga anak.
Ngunit kung tatanungin si Nanay Joey kung ano ang nagdala ng pinakamalaking pagbabago, ang sagot niya ay malinaw: ang buwanang Family Development Sessions o FDS.
“Maganda ang programa. Bukod sa cash grants, mas nadadagdagan ang aming kaalaman sa FDS at naisasabuhay ko ito lalo na sa pagtataguyod ng pamilya. Kaya palagi akong excited umattend dahil alam kong may bagong kaalaman na naman akong maiuuwi,” wika niya.
Dahil sa mga natutunan niya, ang dating mahiyain na si Joey ay mas naging kumpiyansa sa sarili. Mula sa pagiging suki ng lending, ngayon ay kawani na siya ng isang microfinance company na hindi lang nagpapahiram, kundi nagbibigay din ng medical, livelihood, at social insurance services. Aktibo rin siya bilang Parent Leader at opisyal ng Sunflower, isang grupong naglalayong tumulong sa kabuhayan ng mga pamilya sa kanilang barangay. Isa sa kanilang proyekto ay ang paggawa ng tsinelas na yari sa abaca.
Sa pamilya naman, unti-unti nang natutupad ang kanilang mga pangarap.
Nakapagtapos na sa Senior High School ang panganay nilang si Dave Jay, na ngayon ay volunteer sa isang religious organization. Si Desiree Jean ay nasa Grade 9, habang sina Diane Joy at Dionisio ay nasa elementarya at patuloy ding ipinapakita ang kanilang husay sa pag-aaral.
Mas lalo pang nagpupursige ang mag-asawa na magsikap, dahil nakikita nila ang determinasyon ng mga bata na makamit ang mas magandang kinabukasan.
“Pangarap ko na mapagtapos sa kolehiyo ang lahat ng aking anak. Sana magkaroon sila ng magandang trabaho at maginhawang buhay para hindi na nila maranasan ang hirap na pinagdaanan namin. Hindi habang buhay ay kasama nila kami,” sabi ni Ginang Joey.
Ang kuwento ng Pamilyang Cerillo ay malinaw na patunay na kapag sinabayan ng sipag, disiplina, at determinasyon ang tulong ng pamahalaan, kayang baguhin ang direksyon ng buhay.
Kung dati ay karne ang tinutuhog ni Joey para itinda bilang barbecue, ngayon ay mga pangarap na ang kanyang tinutuhog na unti-unting naaabot sa tulong ng programa at ng kanilang sariling pagsusumikap.
