Ang tagumpay ay hindi dumarating sa isang iglap. Ito ay hinuhubog ng tiyaga, sakripisyo, at pananalig. Para kay Mary Ann Bartolome Doblado ng Brgy. Buyo, Tinambac, Camarines Sur, ang bawat hakbang ng kanyang paglalakbay ay parang proseso ng panganganak—masakit, mahirap, ngunit sa dulo, isang bagong pag-asa ang isisilang.
Bilang household grantee at monitored child ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), maaga niyang natutunan na ang edukasyon ang pinakaepektibong daan tungo sa pag-ahon sa kahirapan. Sa kabila ng mga hamon, hindi siya bumitaw sa pangarap. Noong Hunyo 10, 2022, natupad ni Mary Ann ang isa sa pinakamalalaking tagumpay ng kanyang buhay, ang pagtatapos sa kursong Midwifery sa Naga College Foundation, Inc.
Ngunit hindi roon nagtapos ang laban. Sa tapang at determinasyon, hinarap niya ang Midwifery Licensure Examination noong Abril 13–14, 2023 sa Legazpi City, Albay at nakapasa noong Abril 23 sa kaparehong taon.
Dala ang lisensya at isang pusong handang maglingkod, noong Pebrero 1, 2024, opisyal na natanggap bilang midwife sa Tinambac Municipal Hospital si Mary Ann. Dito, hindi lang siya tumutulong sa pagsilang ng mga sanggol, kundi pati sa pagpapaanak ng pag-asa sa mga inang kanyang pinaglilingkuran.
“Bilang saro po sa mga miyembro kan 4Ps, dakula po an sakuyang pasasalamat na kami naka-enrol sa programang ini na hale sa gobyerno. Boot ko pong ipaabot sa gabos na saro po kami sa mga natabangan kang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Dakul po an itinao ninda tabang sakuya asin sa samuyang pamilya para sa samuyang katiwasayan sa buhay.”
(Bilang isa sa mga miyembro ng 4Ps,” ani Mary Ann, “lubos po ang aking pasasalamat na kami ay naging bahagi ng programang ito. Isa kami sa mga natulungan ng 4Ps. Malaki po ang naitulong nila sa akin at sa aming pamilya upang magkaroon ng mas maayos na buhay.)
Pagbabalik tanaw niya sa mga pagsubok bilang panganay, “nagpursigi ako na makatapos sa sakuyang pagklase, bako lang po para sa sakuyang sadiri kundi para man po sa sakuyang mga tugang na may boot man makatapos asin maabot an saindang mga pangarap sa buhay. Para sakuya, bako po dapat an kahirapan an maging rason para dae kita makatapos sa pag-adal. Sa halip, dapat ini gamiton bilang motibasyon asin inspirasyon para lalo pang magpursigi. Bako permanente ang kahirapan kung kita padagos na magpupursigi.”
(Nagsumikap po akong makatapos, hindi lang para sa sarili ko kundi para sa aking mga kapatid. Para sa akin, hindi dapat maging dahilan ang kahirapan para hindi makapagtapos. Sa halip, gawin natin itong motibasyon para mas lalo pang magsipag at mangarap. Hindi panghabambuhay ang kahirapan. kaya natin itong mapagtagumpayan basta’t hindi tayo sumusuko.)
At para sa mga kabataang nangangarap din makapagtapos, mensahe ni Mary Ann, “kung gusto ninyong maabot ang inyong pangarap, manatiling positibo at magtiwala sa sarili. Huwag kalilimutan ang Diyos. Siya ang nagbibigay ng lakas kapag tayo’y napapagod. Darating din ang tamang panahon para sa magandang kinabukasan.”
Hindi naging madali ang paglalakbay ni Mary Ann. Tulad ng bawat panganganak, puno ito ng sakit, takot, at pagod ngunit sa dulo, may tagumapy na maisisilang.
Ngayon, si Mary Ann Bartolome Doblado ay hindi lamang isang midwife, isa siyang tagapagdala ng bagong buhay at pag-asa, patunay na kahit mula sa kahirapan, maaaring isilang ang panibagong kinabukasan sa pamamagitan ng mga kamay na handang umalalay mula sa pamilya, komunidad, at pamahalaan.