Tuwing umaga sa Barangay Tinorongan sa bayan ng Sagnay, Camarines Sur, may mga magulang na maagang gumigising, hindi lamang para maghanda sa trabaho, kundi para diligan ang mga gulay na kanilang sama-samang itinanim. Sa bawat patak ng tubig, may kasamang pag-asa: pag-asang may maihahain sa hapag, may maitutulong sa komunidad, at may kinabukasang unti-unting binubuo.
Ito ang kwento ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development Field Office V – Bicol Region sa Tinorongan. Mga pamilyang piniling magsimula muli sa lupa, sa pamamagitan ng isang community garden.
Isang barangay na ang pangunahing kabuhayan ay pagsasaka, tinatayang 256 aktibong benepisyaryo ng 4Ps ang naninirahan sa Tinorongan. Noong 2024, sa tulong at paggabay ng DSWD Bicol, sinimulan nilang buuin ang mga community garden. Mula sa labing-isang (11) na naitatag, dalawa ang patuloy na inaalagaan at namumunga hanggang ngayon. Isa na rito ang Pantawid Community Development Association of Tinorongan (PCDAT) garden sa loob ng Tinorongan National High School at ang garden sa Zone 2 ng barangay.
Sa mga harding ito, hindi lamang gulay ang itinatanim kundi pag-asa. Sama-samang inaalagaan ng mga Pantawid Pamilya ang petsay, sitaw, okra at talong; mani, patatas at kamote; pati mga prutas tulad ng papaya, pinya at saging. Maging ang mga halamang gamot gaya ng tanglad at ginseng ay masiglang tumutubo na tila sumasalamin sa tibay at sipag ng mga nag-aalaga nito.
Higit pa sa pagiging taniman, ang community garden ay naging lugar ng pagkatuto at pagkakaisa. May nursery at hydroponics area ito kung saan natututo ang mga mag-aaral tungkol sa mga halaman at kanilang benepisyo sa kalusugan. Sa loob ng isang simpleng kubo, isinasagawa ang buwanang Family Development Session (FDS). Mga kuwentuhan, aral sa buhay, at pangarap na sabay-sabay binubuo. Naroon din ang Materials Recovery Facility (MRF), habang ang mga lumang plastik ay muling ginagamit upang makabuo ng vertical garden, patunay na kahit ang dati’y basura, may bagong silbi.
Ang bunga ng kanilang pagsisikap ay ramdam ng buong komunidad. Ang mga ani mula sa gulayan ay nagagamit sa Nutrition Month ng paaralan at sa mga feeding program sa barangay. Sa pagbebenta ng sobrang ani sa pamilihang bayan, nakalikom na rin ang grupo ng mahigit PHP 10,000. Isang malaking tulong para sa mga pamilyang dati’y kapos.
Upang mas mapalakas ang kanilang adhikain, nagparehistro ang grupo bilang isang Civil Society Organization at tumanggap ng suporta mula sa iba’t ibang ahensya. Nakatanggap sila ng binhi mula sa Municipal Agriculture Office, garden tools mula sa DOLE, patubig mula sa lokal na pamahalaan ng Barangay Tinorongan, at libreng paggamit ng lupa sa Tinorongan National High School.
Ang community garden ng Barangay Tinorongan ay hindi lamang kwento ng pagtatanim ng gulay. Ito ay kwento ng mga pamilyang natutong maniwala sa sarili, ng komunidad na nagbuklod para sa mas mabuting bukas, at ng mga munting hakbang na nagbunga ng malaking pagbabago.
Sa Tinorongan, ang pag-asa ay hindi na lamang pangarap—ito ay tumutubo, inaalagaan, at sabay-sabay na inaani.