Upang matiyak ang mas mabilis, makabago, at siguradong paghahatid ng serbisyo, nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ng re-oryentasyon ukol sa 𝐁𝐁𝐌 𝐒𝐞𝐫𝐛𝐢𝐬𝐲𝐨 (𝐁𝐚𝐬𝐭𝐚 𝐁𝐞𝐫𝐢𝐩𝐢𝐤𝐚𝐝𝐨, 𝐌𝐚𝐛𝐢𝐥𝐢𝐬 𝐚𝐧𝐠 𝐒𝐞𝐫𝐛𝐢𝐬𝐲𝐨) Web Portal, na kabilang sa proseso ng beripikasyon ng mga benepisyaryo ng mga programa.
Ang serye ng oryentasyon ay dinaluhan nitong Huwebes, Enero 22, ng mga Program Focal at kawani ng Pantawid Division, kasunod ng naunang sesyon para sa Disaster Response Management Division (Enero 20), Promotive Services Division (Enero 19) at Protective Services Division (Enero 12).

Sa suporta ni Regional Director Norman Laurio, ang DSWD Bicol NHTS ay pinalalakas ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang Program Division upang mai-presenta ang BBM Serbisyo na magbibigay nang mas mabilis na serbisyong may malasakit sa bawat Bicolano.
Ang BBM Serbisyo ay isang online platform (bbmserbisyo.dswd.gov.ph) na idinisenyo upang magberipika o magkumpirma ng pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo at kliyente gamit ang National ID, at nagkokolekta ng kanilang mga PCN (PhilSys Card Number) para sa mga serbisyo at programa ng DSWD.
Alinsunod sa layunin ni Secretary Rex Gatchalian na maiangat ang kalidad ng serbisyo ng ahensya sa pamamagitan ng digitalisasyon.

Ang hakbang na ito ay naka-angkla sa mandato ni President Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang mabilis na pagproseso ng serbisyo para sa mamayang Pilipino.