
Sa kabila ng hirap ng buhay at pagiging isang solo parent, hindi hinayaan ni Yolanda B. Rongap na maging hadlang ang mga pagsubok sa pag-abot ng pangarap para sa kanyang pamilya. Bilang isang Set 4C grantee ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), buong lakas niyang itinaguyod ang pag-aaral at kinabukasan ng kanyang tatlong anak.
Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay. Bilang ina, kinailangan ni Yolanda na pagsabayin ang paghahanapbuhay at pag-aalaga sa kanyang mga anak. Sa bawat araw, una niyang iniisip kung paano matutugunan ang kanilang pangangailangan, lalo na ang pagkain, edukasyon at iba pang gastusin sa bahay.
Sa panahong iyon, naging mahalagang katuwang ng kanilang pamilya ang 4Ps.
Malaking tulong para kay Yolanda ang mga cash grants na kanilang natanggap dahil nagamit ito para sa edukasyon, pagkain, nutrisyon, pananamit at iba pang pangunahing pangangailangan ng kanyang mga anak. Nakatulong din ang programa upang makabili sila ng mga alagang hayop na nagsilbing karagdagang mapagkukunan ng kanilang kabuhayan, gayundin ng mga gadget na ginamit ng kanyang mga anak sa kanilang pag-aaral.
Para kay Yolanda, ang 4Ps ay hindi lamang tulong pinansyal. Naging daan din ito upang maipagpatuloy ng kanyang mga anak ang kanilang pag-aaral sa kabila ng mga hamon ng kanilang buhay.
Ang kanyang panganay na anak, na naging benepisyaryo rin ng programa, ay isa nang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Europe. Ang kanyang pangalawang anak naman ay nasa ikalawang taon na sa kolehiyo sa isang unibersidad sa Bicol.
Ngunit isa sa mga pinakamatamis na tagumpay ni Yolanda ay ang pagkakataong sabay silang nagtapos ng kanyang bunsong anak na si John sa Alternative Learning System (ALS) Senior High School.
Sa halip na manatili lamang sa gilid habang nag-aaral ang kanyang anak, pinili ni Yolanda na sumabay sa pag-aaral. Magkasama silang nagtiyaga, nag-aral at humarap sa mga hamon hanggang sa tuluyang makamit ang kanilang diploma.
“Sinabayan ko siya sa pag-aaral para masigurong makatapos siya. Hindi lamang siya ang natuto, kundi pati ako. Isa itong pangarap na natupad naming mag-ina,” masayang pagbabahagi ni Yolanda.
Para sa isang inang matagal na nagsakripisyo para sa kanyang mga anak, ang araw ng kanilang pagtatapos ay higit pa sa isang seremonya. Isa itong patunay na hindi nasayang ang bawat pagod, pagtitiis at pananalig sa pangarap.
Bukod sa tulong pinansyal, naging mahalaga rin para kay Yolanda ang mga aral na natutunan niya sa Family Development Sessions (FDS). Dito niya natutunan ang tungkol sa responsableng pagpapalaki ng anak, kalusugan, edukasyon at wastong pamamahala ng pamilya. Mga aral na hindi lamang niya natutunan, kundi patuloy ding isinasabuhay sa kanilang tahanan.
Ngayon na nakapagtapos na ang kanilang sambahayan sa programa, baon ni Yolanda ang pasasalamat sa mga naging bahagi ng kanilang paglalakbay. Mula sa mga panahong kinakailangan niyang magtaguyod nang mag-isa, hanggang sa araw na makita ang kanyang mga anak na unti-unting naaabot ang kanilang mga pangarap, naging saksi ang 4Ps sa kanilang paglalakbay tungo sa mas magandang kinabukasan.
“Masaya at buong puso akong nagpapasalamat sa DSWD at sa 4Ps. Napakalaki ng naging bahagi nito sa aming buhay at sa kinabukasan ng aking mga anak. Ang aming mga tagumpay ngayon ay bunga ng aming pagsisikap at ng tulong na ibinigay ng programa,” ani Yolanda.
Mula sa pagiging solo parent na nagsikap itaguyod ang tatlong anak, ngayon ay isa na siyang inang may ipinagmamalaking mga anak at isang diploma na sabay nilang pinaghirapan ng kanyang bunsong anak.
“Salamat, DSWD. Salamat, 4Ps. Sa bawat pangarap na nabibigyang-daan, patuloy ninyong binabago ang buhay ng maraming pamilyang Pilipino.”
