
Sinasabing ang guro ay pangalawang magulang. Gabay, tagapagturo, at sandigan ng mga kabataan sa landas ng pagkatuto at pag-unlad. Ngunit para kay Gng. Salvacion Z. Tanaotanao, Punong-Guro ng Divine Mercy National High School, higit pa rito ang pagiging guro. Isa rin siyang lingkod-bayan na patuloy na nagpapakita ng malasakit hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi maging sa kanilang mga pamilya.
“I believe that behind a successful child is a supportive parent – that is why the program has its planned designed sessions/modules that will capacitate them on how to properly handle their respective families,” pagbabahagi ni Ms. Tanaotanao,” pagbabahagi ni Titser Salvacion.
Sa likod ng matagumpay na pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay ang mga taong gaya niya, mga guro at lider na handang tumulong upang maisakatuparan ang adhikain ng program ana wakasan ang kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon at pagkakaisa ng pamilya.
Bago maging punong-guro, si Gng. Tanaotanao ay naglingkod bilang Social Welfare Officer III ng 4Ps, isang tungkuling humubog sa kanyang malasakit sa mga pamilyang Pilipino. Doon niya unang nasilayan ang kahalagahan ng edukasyon bilang tulay upang makaahon sa kahirapan.
Sa bawat pagpupulong ng mga magulang at estudyante, paulit-ulit niyang binibigyang-diin na ang 4Ps ay hindi simpleng “dole-out,” kundi isang programang may kasamang pananagutan at partisipasyon. Ang edukasyon, ayon sa kanya, ay epektibo lamang kung magkakatuwang ang paaralan, magulang, at pamahalaan.
Hindi natatapos sa salita ang kanyang dedikasyon. Aktibo siyang katuwang sa mga aktibidad ng 4Ps mula sa pagtiyak ng presensya ng mga Municipal Links sa mga pagpupulong, pagtulong sa pagpapaliwanag ng mga kondisyon ng programa, hanggang sa pagpapaigting ng monitoring tools upang mas maging makabuluhan ang pagpapatupad nito.
Noong 2023, buong suporta niyang pinangasiwaan ang Youth Development Sessions (YDS) ng programa. Sa tulong ng paaralan, nakapagbigay siya ng logistics at nakipagtulungan sa barangay upang madagdagan ang suporta sa mga kabataang benepisyaryo. Dahil dito, mas napaghanda ang mga kabataan sa pagpasok sa trabaho matapos ang senior high school.
Hindi rin siya nagkukulang sa pakikilahok sa mga pagpupulong ng Municipal Advisory Council (MAC) at mga pagtitipon ng stakeholders. Siya pa mismo ang nagsulong ng resolusyon upang maisama ang kinatawan ng mga magulang sa MAC, isang mahalagang hakbang upang marinig ang kanilang boses sa mga usaping panglipunan.
Kasabay nito, patuloy din ang kanyang suporta sa mga aktibidad ng DSWD tulad ng Search for 4Ps Exemplary Children, na naglalayong magbigay-inspirasyon sa mga kabataang benepisyaryo. Nitong Hulyo 2025, naging resource person siya sa Family Development Sessions (FDS) kung saan tinalakay niya ang Gender and Development (GAD), isang patunay ng kanyang malasakit hindi lamang sa akademikong aspekto, kundi sa pagpapalakas ng pamilya.
Kahit noong siya ay nakatalaga pa sa San Jose, Camarines Sur, buo pa rin ang kanyang suporta sa mga adhikain ng 4Ps. Sa pakikipagtulungan sa MOO San Jose, inilunsad niya ang Bata Oplan Balik Eskwela upang maibalik sa paaralan ang mga out-of-school youth at mga mag-aaral na nanganganib huminto. Bukod dito, nakapagbigay siya ng 50 pares ng sapatos mula sa SM Foundation, isang munting regalo na nagbigay ng malaking pag-asa at inspirasyon sa mga batang benepisyaryo.
Sa kabuuan, si Titser Tanaotanao ay tunay na huwaran, isang guro na hindi lamang nagtuturo kundi naglilingkod. Siya ay isang lider na hindi lamang namumuno kundi nagmamalasakit. Sa kanyang pangunguna, ang paaralan ay naging tahanan ng pag-asa at pagbabago.
Tunay na pinapatunayan niya na ang tagumpay ng kabataan ay bunga ng pagkakaisa ng pamilya, paaralan, at pamayanan.
Ang guro ay pangalawang magulang at sa mga kamay ni Titser Salvacion, ang bawat mag-aaral na 4Ps ay itinuturing na sariling anak na dapat gabayan, turuan, at itaguyod tungo sa tagumpay.
