Asawa at Ina, ang Ilaw ng Tahanan.

Ito ang kadalasang papel ng mga nanay sa kanilang pamilya. Sila ang gumagawa ng paraan, nagsasakripisyo, at patuloy na umaalalay upang matiyak na may magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Ngunit para kay Janice Quiozon, 37 anyos at ina ng tatlong anak, hindi lamang tahanan ang kayang ilawan ng isang nanay.

Maaari rin siyang maging ilaw sa loob ng klasrum.

Noon pa man ay pangarap na ni Janice ang maging guro. Ngunit nang magkaroon siya ng sariling pamilya, kinailangan muna niyang isantabi ang pangarap upang unahin ang kanyang mga anak.

Lumipas ang mga taon. Naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang kanilang pamilya, na naging dagdag na suporta sa pagtustos sa pag-aaral at iba pang pangangailangan ng kanilang mga anak.

Nang magsimula nang pumasok sa paaralan ang kanyang bunsong anak, tila muling nabuhay ang matagal nang pangarap ni Janice. Sa panahong may dagdag na suporta na para sa kanilang pamilya, nagpasya siyang balikan ang sarili niyang pangarap.

Bumalik siya sa pag-aaral, nagsikap, at kalaunan ay nakapagtapos.

Ngunit hindi doon nagtapos ang kanyang paglalakbay.

Tinahak niya ang landas bilang isang Alternative Learning System (ALS) teacher. Dito, araw-araw niyang ginagampanan ang tungkuling magturo sa mga learners na, tulad niya noon, ay nagkaroon ng mga dahilan upang pansamantalang iwan ang kanilang pag-aaral.

Kasabay nito, naghahanda rin siya para sa Licensure Examination for Teachers (LET).

Hindi naging madali ang pagsabayin ang pagiging guro, estudyante, asawa, at ina. Matapos ang maghapong pagtuturo, gabi naman ang inilaan niya sa pagrereview. Habang nagpapahinga ang iba, patuloy siyang nag-aaral, umaasang darating ang araw na tuluyan na niyang makakamit ang lisensyang matagal niyang pinapangarap.

Kasama ang kanyang asawa na nagtatrabaho bilang pintor, patuloy nilang hinaharap ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, habang nagsisilbing dagdag na suporta ang 4Ps sa kanilang mga gastusin.

Tatlo ang kanilang anak. Ang panganay ay pumapasok na sa kolehiyo, ang pangalawa ay nasa Senior High School, habang ang bunso naman ay magtatapos ng Grade 5 ngayong taon.

Sa kabila ng mga responsibilidad at limitadong kita, hindi hinayaan ni Janice na tuluyang mawala ang pangarap na minsan na niyang isinantabi.

At noong March 2026, dumating ang hinihintay niyang resulta.

Pumasa siya sa Licensure Examination for Teachers.

Para kay Janice, higit pa sa pagkakaroon ng lisensya ang kahulugan ng kanyang pagpasa. Patunay ito na hindi kailangang manatiling nakaraan ang isang pangarap dahil lamang sa pagbuo ng pamilya.

Mas lalo pa siyang ginanahan na magpatuloy sa pagtuturo, lalo na para sa mga learners na minsang nawalan ng pagkakataong makapag-aral.

“Pangarap ko po na mas marami pang matulungang nanay na makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng ALS at sana po ay walang matirang hindi nakapag-aral sa aming komunidad,” ani Janice.

Hindi lamang sa kanyang mga ALS learners naipapasa ni Janice ang kanyang paghikayat.

Maging ang kanyang mga kamag-anak, kapitbahay, at kakilala ay nahikayat niyang muling bumalik sa pag-aaral. Isa rito ang kanyang 51-anyos na tiyahin na nagdesisyong ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral matapos siyang mahikayat ni Janice.

Para sa kanya, walang pinipiling edad ang edukasyon.

Alam niya ito dahil naranasan niya mismo kung paano ang muling mangarap matapos itong isantabi nang ilang taon.

Ngayon, habang patuloy niyang ginagampanan ang pagiging ina at guro, dala ni Janice ang isang mensahe para sa mga katulad niyang minsang kinailangang unahin ang pamilya bago ang sarili.

Hindi pa huli ang lahat.

May pagkakataon pang bumalik. May pagkakataon pang matuto. At may pagkakataon pang abutin ang pangarap.

Mula sa pagiging ilaw ng kanyang sariling tahanan, ngayon ay unti-unti na ring nagiging ilaw si Janice sa mga klasrum at sa buhay ng mga taong muli niyang hinihikayat na mangar