“Para kanino ka bumabangon”

Isang linya, isang tanong sa patalastas ng isang sikat na brand ng kape.

Ngunit paano kung kailangan mong bumangon nang sobrang aga at magbanat ng buto bago pa sumikat ang araw? Ito ang araw-araw na hinaharap ni Nanay Realyn Deocareza, isang streetsweeper mula sa Sorsogon City.

“Kahit mahirap at nakakapagod, tuloy lang po ako sa trabaho. Para ito sa mga anak ko,” kwento niya.

Tatlo ang anak ni Realyn na umaasa sa kanya. Ang panganay ay malapit nang magtapos sa senior high school, ang ikalawa ay nasa huling baitang ng elementarya, at ang bunso ay nasa ikatlong baitang. Para kay Realyn, sila ang kanyang lakas, inspirasyon at dahilan upang patuloy na magsumikap. Ang tanging pangarap niya ay makapagtapos ang kanyang mga anak at magkaroon ng mas maginhawang kinabukasan, malayo sa hirap na naranasan niya.

At katuwang niya sa pag-abot ng pangarap na ito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Bago sila mapasama sa programa ay ramdam na ramdam ni Realyn ang bigat ng buhay. Ang kita niya bilang streetsweeper ay hindi sapat sa pang-araw-araw na gastusin tulad ng pagkain, tubig at kuryente. Mas lalo itong bumigat dahil sa mga bayarin sa paaralan kaya tulad ng karamihan, napilitan siyang mangutang upang makaraos.

“May mga araw na hindi ko alam kung paano pagkakasya-kasyahin ang kita. Pero may pangarap eh, kaya kayod lang,” dagdag niya.

Kaya naman labis ang pasasalamat ni Realyn nang mapasama ang kanyang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Malaki ang kaginhawaan na naidulot ng cash grants lalo na sa edukasyon ng mga bata. Nagkaroon sila ng pambili ng uniporme, school supplies at iba pang pangangailangan sa paaralan.

“Doon ko naramdaman na may kasabay na ako sa pag-aalaga sa mga anak ko,” sabi niya.

Dahil natutugunan na ng 4Ps ang mga pangangailangan sa edukasyon at nutrisyon ng mga bata, nakapag-ipon si Realyn at nakapagsimula ng maliit na negosyo. Isa rin itong bagay na tinuturing niyang biyaya ng programa.

Hindi lamang pinansyal ang tulong ng 4Ps. Ayon kay Realyn, ang pinakamalaking nagbago sa kanya ay ang tiwala niya sa sarili. Bilang Parent Leader, natutunan niyang magsalita, makipag-ugnayan at maging gabay sa kapwa benepisyaryo.

Isa sa mga hindi niya malilimutan na learning intervention ng 4Ps ang walong linggong course na Lotus 3.0 Parent Education for Child Learning Success. Nagbigay ito sa kanya ng dagdag na kaalaman sa pagpapalaki at pagsuporta sa pag-aaral ng mga bata.

Sa ngayon, patuloy na nagsusumikap si Realyn sa trabaho, sa kanyang maliit na negosyo at sa pagganap bilang Parent Leader. Nakikita rin niya ang sipag at determinasyon ng kanyang mga anak na siyang nagsisilbing lakas niya upang bumangon araw-araw.

“Pangarap kong lahat sila ay makatapos. Gusto kong magkaroon sila ng mas maginhawang buhay,” sabi niya.

At sa bawat araw na pagwalis niya ng kalsada, baon niya ang paniniwala na kahit gaano kahirap ang buhay, posible ang pag-angat kung sasabayan ito ng tiyaga, disiplina at tamang oportunidad.