
Lumaki sa isang payak at simpleng pamumuhay sa Barangay Tambilagao, Bacacay, Albay ang noo’y nangangarap pa lamang na si Julius Bombales. Bunso siya sa anim na magkakapatid ng mag-asawang Eliza at Jose. Dahil pursigido ang kanyang mga magulang na mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak, naniwala si Julius na sa patnubay at sakripisyo ng kanyang mga magulang ay magagawa rin niyang makapagtapos, tulad ng ilang kabataang nakatapos sa kanilang lugar.
Ngunit ang simpleng pangarap na iyon ay mas magiging mahirap palang abutin.
“Noong 2016 po, dumaan sa matinding dagok ang pamilya namin. Namatay po ang aking ama at isa ko pang kapatid. Sa puntong iyon, akala ko po ay doon na matatapos ang pag-aaral ko. Pero hindi po. Iginapang pa rin ng aking ina,” ani Julius.
Simula noon, naging pangunahing hanapbuhay ng pamilya ang paggawa ng banig mula sa karagumoy, isang gawaing humihingi ng tiyaga at mahabang oras ng pagtatrabaho. Mula sa pagkuha ng dahon ng karagumoy, pagtanggal ng mga tinik, maingat na paghahati upang maging magkakapareho ang lapad, pagpapatuyo sa ilalim ng araw, at kung minsan ay pagpupukpok upang maging pantay ang kapal, bago tuluyang maihabi at maging ganap na banig.
“Nabebenta po ng 70 hanggang 80 piso ang bawat banig. Iyon na po ang ipinambibili namin ng pagkain na pinaghahatian naming lahat,” dagdag niya.
Sa bawat hibla ng karagumoy na hinahabi ng kanyang ina, nakalakip ang pagod, dasal, at pag-asang maitaguyod ang pamilya. Hindi man kalakihan ang kita, sapat iyon upang mairaos ang araw at mapanatiling buhay ang pangarap ni Julius na makapagtapos ng pag-aaral.
Habang pilit na pinagkakasya ng pamilya ang maliit na kita mula sa paggawa ng banig para sa pang-araw-araw na pangangailangan, isang mahalagang sandigan naman ang tumulong sa kanila para sa edukasyon at kalusugan, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Pagtungtong ng high school, lumipat si Julius sa Cawayan National High School na may layong 4.4 kilometro mula sa kanilang bahay.
“Madalas ko pong lakarin ang maputik na daan, basang-basa sa ulan, ngunit dala ko palagi ang pangarap ni Mama Eliza. Hindi ako bumitiw. Ang bawat medalya na aking natanggap ay hindi lamang simbolo ng talino kundi patunay ng sakripisyo, pagtitiis, at walang sawang panalangin,” ani Julius.
Pagtungtong ng kolehiyo, ang programang naging katuwang ng kanyang ina sa pagtaguyod ng pamilya ang naging inspirasyon ni Julius, ang 4Ps.
“Nang pumasok ako sa kolehiyo sa Bicol University Tabaco Campus sa kursong Bachelor of Science in Social Work, dahil gusto ko pang mas lumalim ang aking pag-unawa sa kahulugan ng paglilingkod na ipinadama saamin ng 4Ps,” dagdag pa niya.
Habang nag-aaral sa kolehiyo, pinalad si Julius na mabigyan ng scholarship mula sa isang non-government organization. At noong 2024, natupad ang matagal niyang pangarap nang magtapos siya bilang Cum Laude at pumasa sa Licensure Examination for Social Workers.

Ngayon, bilang isang ganap na Social Worker at Municipal Link ng DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program, araw-araw niyang ipinagpapatuloy ang layunin ng programang minsang umalalay sa kanilang pamilya.
“Sa bawat pamilyang aking nakakausap, nakikita ko ang aking sarili, ang batang umasa at ngayo’y nagbibigay na ng pag-asa. Ang minsang tinulungan ay isa na ngayong kamay na tumutulong. Ang 4Ps ay hindi lamang isang programa. Ito ay buhay, pag-asa, at pagkakataon. Itinuro nito sa akin na ang tulong ay may kaakibat na responsibilidad, ang responsibilidad na ibalik ito sa lipunan sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod,” ani Julius.
Para sa bawat batang 4Ps na patuloy na nangangarap, ito ang kanyang mensahe:
“Ang kahirapan ay hindi wakas, kundi simula ng kuwento ng tagumpay at katuparan. Ako si Julius B. Bombales, anak ng 4Ps, anak ng pag-asa, at ngayon, isang lingkod-bayan na patuloy na nagsisilbing liwanag para sa iba.”
