
Ako si Anthony R. Picaso, isang produkto ng kahirapan, ngunit higit sa lahat, isang patunay na kahit ang pinakamadilim na yugto ng buhay ay maaaring maging simula ng isang maliwanag na kinabukasan.
Lumaki ako sa Zone 6, Brgy. Taytay (Halgon East), Goa, Camarines Sur. Isa kami sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Isang programang naging sandigan namin upang makatawid sa gutom at makalampas sa mga unos ng kahirapan.
Pito kaming magkakapatid. Wala kaming kasiguraduhan sa kinabukasan. Ang aming ama ay pumanaw dahil sa hypertension mahigit labindalawang taon na ang nakalilipas. Mula noon, si Nanay na lamang ang matapang na umako ng responsibilidad na buhayin kami—nang walang reklamo, walang pag-aalinlangan.
Wala mang pormal na edukasyon o kasanayan, ginawa ni Nanay ang lahat. Namasukan siya bilang labandera tuwing Lunes at Huwebes, nagtanim sa bukid, at araw-araw ay ininda ang pagod at init para lamang may mailaman sa aming mga tiyan.
Nang dumating ang 4Ps sa aming buhay, tila kami ay binigyan ng bagong pag-asa. Tatlo sa aming magkakapatid ay naging monitored children ng programa, na malaking tulong sa aming pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan. Sa mga Family Development Sessions, unti-unting nahubog si Nanay, mula sa isang simpleng maybahay, naging matatag at masinop siyang ina na marunong humawak ng pera at panahon.
Ngunit sa kabila ng tulong ng programa, dumating ang panahon na kinailangan kong huminto sa kolehiyo. Hindi ko na kayang masaksihan si Nanay na halos magpakalunod sa utang para lamang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Kaya nagdesisyon akong makipagsapalaran sa Maynila bilang construction worker—kasama ng init, ulan, at alikabok ang pangarap kong umaasang magbubunga balang araw.
Hanggang isang araw, muling kumatok ang oportunidad. Isinalaysay sa akin ni Nanay na ang aming bunsong kapatid ay napiling maging Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPPA) scholar, bahagi ng programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino. Ngunit dahil wala na siyang balak bumalik sa pag-aaral, nagdesisyon si Nanay na ialok ang pagkakataong ito sa akin.
Sa tulong at patnubay ng aming 4Ps Municipal Link, ako ay nairekomenda bilang kapalit na scholar. Sa pagkakataong iyon, tila nabuksan muli ang isang pintuan na matagal ko nang inaakalang tuluyan nang nagsara.
Hindi ko sinayang ang pagkakataon. Bumalik ako sa kolehiyo dala ang determinasyong hindi lang ito laban para sa sarili, kundi laban para sa pamilya naming matagal nang lumalaban sa kahirapan.
Noong 2018, nagtapos ako ng kolehiyo. Kasabay noon, ako’y nahalal bilang Barangay Kagawad—isang tungkuling nagpatibay sa aking pagkatao at lalong nagbigay-saysay sa paglilingkod. Apat na taon akong nagsilbi sa barangay. Natuto akong makinig, umunawa, at tumulong hindi lamang dahil kailangan, kundi dahil iyon ang tama.
Noong 2019, sumubok akong kumuha ng Licensure Examination for Teachers. Sa unang pagkakataon, ako ay pumasa. Isang sandaling hindi ko malilimutan. Noong 2023, nagsimula na akong magturo sa Goa National High School bilang guro sa Grade 8. Sa bawat hakbang sa silid-aralan, naramdaman kong natutupad ko na ang pinangarap kong mundo.
Hindi naging madali ang daan. May mga pagsubok, hindi pagkakaunawaan, at pagod. Ngunit ang pangarap ay hindi nawawala sa puso ng isang taong may dahilan para magsikap—at iyon ay ang pamilya.
Ngayon, nakapagpatayo na kami ng sariling bahay na hindi na tinatagos ng ulan, hindi na napapatumba ng hangin. Isang bahay na bunga ng tiyaga, sakripisyo, at pagtutulungan.
Ang 4Ps ay hindi lamang tulong-pinansyal. Isa itong ilaw sa gitna ng dilim. Isa itong tulay patungo sa pangarap. At isa itong paalala na sa bawat Pilipinong may pangarap, may gobyernong handang sumuporta.
Sa mga kabataan, huwag niyong hayaang maging hadlang ang kahirapan. Gawing bisyo ang pag-aaral. Magkaroon ng layunin. Matutong magtipid. Magsikap. Dahil ang tagumpay ay hindi lamang para sa mayaman, kundi para sa taong may determinasyon.
Ako si Anthony R. Picaso—isang anak mahirap, dating ESGP-PA scholar at ngayon ay isa nang guro, lingkod-bayan, at patunay na walang imposible sa taong may pangarap.
Isinulat Ni: Titser Anthony R. Picaso