
“Mahirap ang buhay noon”, ito ang mga unang katagang binitiwan ni Hannah Jane B. Bañas, mula Bacacay, Albay, dating monitored child ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), habang inaalala ang kanilang pinagdaanan bago at bilang isang pamilyang dating benepisyaryo ng programa.
Bago napabilang sa programa, ang tatay ni Hannah si Tatay Arnulfo ay isang simpleng magsasaka. Ang kanyang kita ay kasya lamang para sa kanilang araw-araw na gastusin, sapat na para lang maitawid ang pagkain, lalo na’t anim ang kanilang anak na sabay-sabay pinag-aaral. Si Nanay Hermelina naman ay buong-araw at maghapong abala sa pag-aalaga at pagpapalaki sa mga bata. Sa mga panahong iyon, isa sa kanilang tanging inaasahan ay ang diskarte at matibay na pananalig.
Ngunit nagbago ang lahat nang mapabilang sila sa programang 4Ps.
Malaki ang naitulong ng 4Ps sa pamilya Bañas. Sa pamamagitan ng regular na cash grants, unti-unting gumaan ang bigat ng gastusin sa eskwela at iba pang pangangailangan ng mga bata. Ngunit higit pa sa pinansyal na suporta, ang buwanang Family Development Sessions (FDS) ay nagbigay ng mahahalagang kaalaman sa pagpapalaki ng anak, pangkalusugan, at tamang pamamahala ng pera. Ayon kay Hannah, “saludo ako sa aking mga magulang. Well-budgeted nila ang cash grants na natatanggap mula sa programa, kaya narito kami ngayon.”
Sa tulong ng programa at matinding dedikasyon ng pamilya, ang kanilang panganay ay nakapagtapos ng kolehiyo at nagtrabaho sa Maynila bilang breadwinner. Ang kanyang kinikita ay itinulong sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Ngayon, sya ay nagtatrabaho sa isang pribadong kompanya.
Hindi nagtagal, ang pangalawang anak na dati ring monitored child ay nagtapos ng kursong Electrical Engineering mula sa Bicol University. Ngayon ay isa na siyang ganap na Electrical Engineer sa isang pribadong kompanya. Ang kanilang pangatlong anak, na dati ring monitored child ay nagtapos ng Computer Science at kasalukuyang nagtatrabaho bilang miyembro ng Philippine Coast Guard.
At si Hannah ay nagtapos ng Cum Laude noong Hulyo 2024 at pumasa sa Board Exam noong Setyembre ng parehong taon. Sa kaniyang puso ay nag-ugat ang hangaring ibalik ang natanggap na tulong sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa ilalim ng Pantawid Program.
Mariing itinanggi ni Hannah ang maling ideya na ang 4Ps ay isang “dole-out” program.
“Ang programa ay hindi dole-out sapagkat hindi ito basta bigay ng bigay. May mga kondisyon itong kailangang sundin — kondisyon na talagang ikabubuti ng mga pamilya. Isa na rito ang regular na pagpasok sa eskwela at pagpapa-check-up ng mga bata,” ani Hannah.
Dagdag pa niya, “Ngayon, mas namulat ako sa lawak ng benepisyong ibinibigay ng programa, hindi lamang pinansyal, kundi pati sa kalusugan at edukasyon.”
Naibahagi din nya ang dahilan sa likod kung bakit nya ninais magtrabaho sa ilalim ng programa. Sinabi nito na “pinili at ninais kong magtrabaho sa 4Ps, pagkagraduate pa lang, ninais ko ng talagang magtraho sa 4Ps, kasi ang motivation ko, 4Ps nakatulong sa akin, ngayon ako naman ang tutulong. Ngayong natulungan na ako, it is now my chance to help others.”
Ang kwento ng pamilya Bañas ay larawan ng katatagan, determinasyon, at pananampalataya. Sa tulong ng 4Ps, at higit sa lahat, sa tulong ng pagkakaisa at pagsusumikap ng bawat miyembro ng pamilya, kanilang naiangat ang sarili mula sa kahirapan. Isang patunay na sa tamang suporta at pagpupursige, ang buhay ay pwedeng magbago.
