“Ang bahay po namin noon ay kawayan lamang na kinuha sa bukid at ginawang sawali para sa dingding. Butas-butas pa ang bubong, at gasera lang po ang gamit naming ilaw.”
Ito ang maluha-luha ngunit nakangiting pagbabalik-tanaw ni Nanay Fely sa panahong nagsisimula pa lamang mag-aral sa elementarya ang kanyang mga anak.
Ayon kay Nanay Fely, halos nagkasabay-sabay pumasok sa paaralan ang kanilang limang anak, dahilan upang lalo pang mabigatan ang gastusin ng pamilya. Dahil dito, lahat ng maaaring pagkakitaan ay pinasok ng mag-asawa. Mula sa pagtitinda ng gulay, paggawa ng halo-halo at kakanin, hanggang sa pagtatrabaho sa koprahan. Para kay Nanay Fely, ang mahalaga ay marangal ang kanilang hanapbuhay.
Katuwang sa walang sawang pagsusumikap ng mag-asawa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan tatlo sa kanilang mga anak ang naging benepisyaryo o monitored child. Isang tulong na labis nilang ipinagpapasalamat.
“Malaking tulong po nang kami ay nakabilang sa programang 4Ps. Yung grants na nakukuha namin ay ginagamit namin sa pagkain, gamot, at mga gamit sa school ng aming mga anak,” ani Nanay Fely.
Bunga ng tiyaga at tamang paggamit ng tulong na natatanggap, unti-unting nagbunga ang kanilang pagsisikap. Sa ngayon, apat sa limang anak nina Nanay Fely ay nakapagtapos na at pawang mga lisensiyadong guro, habang ang bunso ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo.
“Ang pinakamahalagang maipapamana po natin sa ating mga anak ay edukasyon. Kapag sila ay nakapagtapos, may mabuting kinabukasan silang maitataguyod para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya,” dagdag niya.
Mula sa dating isang kahig isang tuka, nakapagpundar na rin ang pamilya ng maliit na negosyo gamit ang kaalamang hatid ng Family Development Sessions. At higit sa lahat, ang dating bahay na kawayan at sawali ay napalitan na ngayon ng isang matibay at konkretong tahanan.
Hindi lamang sa kanilang pamilya nagbunga ang mga natutunan ni Nanay Fely. Dahil sa mga aral mula sa Family Development Sessions, isa na rin siyang kagawad sa kanilang barangay na may iisang layunin:
Ang maging inspirasyon sa kanyang mga kabarangay na Kahit tayo ay naghihirap, dapat po tayong magkaroon ng pangarap para sa ating pamilya. Pero hindi po sapat ang pangarap lamang. Kailangan po itong sabayan ng tiyaga at aksyon.
Ang kuwento ng Pamilyang Almonte ay patunay na ang tagumpay ay hindi basta ibinibigay. Ito ay pinaghihirapan, pinagtitiyagaan, at pinaninindigan. Sa tulong ng programa at sa sariling determinasyon ng pamilya, ang dating payak na pamumuhay ay unti-unting napalitan ng pag-asa at mas maliwanag na bukas.