
Maybahay, ina, at isang babaeng matibay ang kalooban. Ganito ilarawan nang nakakakilala sa kaniya si Siony Daen Bonite, 49 taong gulang, mula sa Zone 1, Gatbo, Ocampo, Camarines Sur. Dalawang kilometro mula sa sentro ng bayan ang kanilang barangay, ngunit tila mas malayo pa noon ang pagitan nila mula sa kaginhawaan at kasiguraduhan sa buhay.
Nang magsimula siyang bumuo ng pamilya kasama ang asawang si Eddie, hindi naging madali ang pagharap nila sa mga hamon ng buhay. Sa halagang ₱250 kada araw bilang tagapamahala sa isang manukan, pilit na pinagkakasya ng mag-asawa ang pagkain, pangangailangan, at ang unti-unting lumalaking gastusin dahil sa sunod-sunod na pagdating ng kanilang mga anak. Kung walang trabaho ang asawa sa isang araw, tiyak na gutom ang sumasalubong sa gabi.
“Isang kahig, isang tuka,” wika ni Nanay Siony, isang simpleng katagang kumakatawan sa mga gabing napipilitang magpigil sila ng pangarap para lamang mabuhay.
Nang lumaki ang kanilang mga anak at kasabay nitong tumataas ang gastusin, kinailangan nilang humanap ng mas maaasahang kabuhayan. Iniwan ni Eddie ang manukan upang tanggapin ang alok ng kamag-anak na mag-alaga ng palayan, kapalit ng sampung porsyento ng ani kada ikatlong buwan. Bagama’t mas maganda ang oportunidad, hindi pa rin sapat ang kita upang tuloy-tuloy na maitaguyod ang pamilya. Dumaan sila sa panahong ang bawat piso ay mahalaga, at ang bawat pangarap ay tila napakalayo.
Taong 2011 dumating ang programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanilang buhay. Hindi lamang ito naging tulong-pinansyal, ito ang nagsilbing pintuan tungo sa panibagong pag-asa. Natutunan ni Siony at ng kanyang pamilya ang kahalagahan ng edukasyon, disiplina, wastong pakikipag-ugnayan, at pangmatagalang pagpaplano. Sa tulong ng cash grants, nakapagpatuloy sa pag-aaral ang kanilang mga anak hanggang kolehiyo. Nakaipon din sila para simulan ang isang sari-sari store, na kalaunan ay sinundan pa ng munting kainan na paborito ng mga estudyante sa Mababang Paaralan ng Gatbo. Unti-unti, napalitan ang kanilang bahay mula sa pawid at sirang bubong tungo sa matibay na bahay na bato. Hindi na lamang tahanan, kundi simbolo ng kanilang pag-angat.
Dahil sa mga natutunan niya sa programa, mas nabuksan ang pinto para kay Siony hindi lamang bilang ina kundi bilang lider. Naging Barangay Health Worker (BHW) siya at aktibong nakilahok sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad. Mula 2023 hanggang kasalukuyan, siya ang namumuno sa kanilang grupo sa 4Ps, patunay ng kaniyang pag-usbong mula sa pagiging benepisyaryo tungo sa pagiging gabay ng iba.
Ngayon, isa-isa nang natutupad ang mga pangarap na minsang itinatabi lamang nila. Ang kanilang panganay ay nakapagtapos ng kolehiyo at higit sampung taon nang nagtatrabaho bilang production staff sa isang electronics company sa Laguna. Ang ikalawa at ikatlong anak ay parehong nasa ikatlong taon ng kanilang kursong Agrikultura sa Central Bicol State University of Agriculture sa Pili, Camarines Sur, habang ang bunso ay papasok na sa huling taon ng high school sa Mataas na Paaralan ng Ocampo. Sa bawat tagumpay ng kanyang mga anak, dama ni Siony ang pag-angat hindi lamang ng kabuhayan kundi pati ng dangal at pag-asa ng kanilang pamilya.
“Bagamat hindi pa tapos ang aming laban sa buhay, lubos ang pasasalamat ko sa programang 4Ps,” wika ni Siony. “Ito ang naging tulay para maabot namin ang aming mga pangarap. Patunay ang aming kwento na kahit may kahirapan, laging nandiyan ang pag-asa, at bawat pagsisikap ay may gantimpala.”
Sa bawat kislap ng liwanag sa matibay na bahay na bato ng pamilyang Bonite, nananatiling buhay ang kwento ng isang inang hindi sumuko, ng isang pamilyang pinanday ng hirap at pag-asa, at ng isang komunidad na patuloy na lumalago.
