May kanya-kanya tayong pangarap. Magkakaiba man, pare-pareho ang layunin — ang magkaroon ng mas maayos na buhay para sa pamilya.
Para kay Nanay Romana Riofrio ng Tabaco City, Albay, simple lang ang pangarap niya: ang makaahon sa kahirapan ang kanilang pamilya.
“Bago po kami mapabilang sa programa, ang kabuhayan naming mag-asawa ay ang pangongolekta at pagbebenta ng bakal. Kapag medyo malaki ang kita, bumibili kami ng biik, inaalagaan, tapos ibinebenta para madagdagan ang panggastos. Gano’n po namin pinapalaki ang aming mga anak,” kuwento ni Nanay Romana.
Ngunit sa kabila ng pagsisikap, aminado siyang kulang pa rin ang kita para matustusan ang lahat ng pangangailangan, lalo na ng mga anak na lumalaki at nag-aaral. Hanggang sa dumating ang pagkakataong mapasama sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Maraming nagbago sa aming pamilya mula nang mapabilang kami sa programa. Sa tulong ng 4Ps, naitawid namin ang pag-aaral ng aming mga anak,” sabi niya.
Ngayon, dalawa sa kanyang mga anak ay may trabaho na. ‘Yung isa po ay welder sa South Korea, habang ‘yung isa naman ay social worker ng DSWD. ‘Yung pangatlo kong anak ay magtatapos na sa kolehiyo, at ‘yung bunso ay papasok pa lang ngayong taon,” dagdag pa ni Romana.
Para sa kanya, hindi lang simpleng programa na nagbibigay-tulong ang 4Ps.
“Hindi lang po ito pera — ang 4Ps ay pag-asa. Napagtapos ko ang mga anak ko. ‘Yun po ang pinakamasarap sa lahat,” sabi pa niya habang nakangiti.
Ngayon ay nakapagpatayo na sila ng disenteng tahanan, isang konkretong simbolo ng bunga ng kanilang tiyaga. Ngunit para kay Romana, higit pa sa bahay o sa pera ang tunay na tagumpay.
At nang tanungin kung ano pa ang kanyang mas malalim na pangarap, simple lang ang sagot ni Nanay Romana:
“Ang maputol na ang siklo ng kahirapan sa aming pamilya. ‘Yun po ang matagal ko nang pangarap at ngayon, unti-unti ko nang nakikita itong natutupad.”
Ang kuwento ni Nanay Romana at ng pamilya Riofrio ay sumasalamin sa dedikasyon ng isang inang nangangarap para sa kanyang mga anak at ng mga anak na nagmana ng kanyang pangarap para sa mas magandang buhay.