
Ako si Leslie Marbella Sariola. Bago ako naging isang Municipal Link (ML) dito sa Department of Social Welfare and Development Bicol sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ako ay nagsilbing social worker sa ibang ahensya ng gobyerno. Bagama’t may kaalaman ako sa larangan ng Social Work, ibang-iba ang pakiramdam nang magsimula ako bilang ML. Parang nagsimula akong muli at nangangapa sa bagong sistema na mayroon ang programa na iba kumpara sa aking nakasanayan.
Ngunit dito ko rin nadama ang tunay na lawak ng serbisyong publiko. Araw-araw ay iba’t ibang mukha at kwento ng benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ang aking nakakasalamuha. Iba-iba rin ang kanilang hinaing, suliranin, at ninanais na inilalapit sa opisina man o sa labas. Kaya’t maraming pagkakataon na naranasan ko na sa pakikipag-ugnayan, pakikinig, at pagbibigay ng nararapat na tulong at gabay.
Personal kong masasabi na napakalaki ng naitutulong ng programa sa mga benepisyaryo, at isa ako sa mga buhay na patunay. Ang aking pamilya ay dating benepisyaryo ng 4Ps, at sa tulong nito ay nakayanan naming tugunan ang ilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, kalusugan, at higit sa lahat ay ang edukasyon.
Hindi lamang ito nagsilbing suporta, kundi isa ring inspirasyon. Dahil sa tulong ng programa, naisakutuparan ko aking pangarap na makatapos ng high school, nakapasok sa kolehiyo, kumuha ng kursong Bachelor of Science in Social Work. Hindi naging madali, pero dahil sa suporta ng programa, pagsisikap ng aking magulang na maibigay ang mga pangangailangan ay nakapagtapos ako na may karangalan bilang isang Cum Laude at ngayon ay isa ng ganap at Registradong Social Worker.
Malaki ang aking pasasalamat, dahil ang programa ay isa sa naging daan upang mabago ang direksyon ng aming buhay. Unang-una ninais ko na maging isang manggagawa dahil isa ito sa aking pangarap at para sa aking pamilya. Pangalawa, nais kong ibalik ang kabutihang loob na aking pamilya ay minsang natanggap mula sa programa. Para sa akin, hindi lamang ito trabaho kundi isang misyon ng puso.
Bilang isang Municipal Link, nagkaroon ako ng pagkakataon na makatulong at magsilbing gabay sa ibang pamilya na dumaraan sa parehong sitwasyon na aming pinagdaanan noon. Nais kong maging gabay at inspirasyon sa kanila upang makita nila na kahit gaano kahirap ang buhay sa tulong ng programa posible pa rin mangarap basta may pagsisikap at magamit ng tama ang tulong na hatid ng programa.
Para sa aking sarili, pangarap kong mas lalo pang mapalawak ang aking kaalaman at kasanayan bilang isang social worker upang mas epektibong makapaglingkod sa aking mga kliyente at komunidad.
Para naman sa aking pamilya, nais kong maibigay sa kanila ang isang mas maginhawa at komportableng buhay. Makatulong na mapagtapos ang aking kapatid sa pag-aaral, at maging inspirasyon na ang pagsisikap at disiplina ay daan tungo sa maginhawang buhay.
Para sa programa, nais kong lalo pa itong mapaunlad at mapalawak upang mas maraming pamilyang Pilipino ang makinabang. Nais kong makita ang 4Ps na patuloy sa pagbibigay, hindi lamang ng tulong pinansyal kundi sa pagtuturo ng tamang disiplina, pagpapahalaga sa edukasyon, at malasakit sa kapwa. Isang programang tunay na nakakapag-angat ng antas ng pamumuhay ng bawat pamilya tungo sa kaunlaran.
Maaaring sa iba ay isa lang itong ordinaryong kwento ngunit para sa akin, ang aking kwento ay isang patunay na ang 4Ps ay hindi lamang nagbibigay ng tulong, ito ay nagbibigay ng pag-asa, direksyon, at inspirasyon para sa mas magandang bukas.
Isinulat ni: Leslie Sariola
