“Pruning”Salitang Ingles na ang kahulugan sa Filipino ay pagputol o pagbawas ng sanga ng isang halaman o puno. Maliban sa pagsasaayos ng anyo o hugis ng halaman, isa rin itong paraan upang mas mapalago at mapayabong ito.
Madalas, maihahalintulad sa ganitong proseso ang buhay ng isang tao o pamilya — tulad na lamang ng buhay ng pamilya Espares sa San Jacinto, Masbate.
Kuwento ng ilaw ng tahanan na si Irene, walang permanenteng trabaho ang kanyang asawa habang siya naman ay isang daycare teacher sa kanilang barangay. Ngunit dahil may dalawa na silang anak, aminado siyang kapos sila noon. Kung tatanungin, ikinukonsidera niya ang kanilang pamilya bilang “isang kahig, isang tuka.”
Ngunit nagbago ang lahat noong 2011 nang mapasama sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Malayo man sa marangyang pamumuhay, masasabi ni Irene na mas gumaan ang kanilang buhay.
“Yung honorarium sa barangay, pagkain at ibang kailangan sa bahay na lang dahil ‘yung gamit at gastos sa paaralan ay sagot na ng 4Ps,” ani Irene.
Dahil marunong makipagkapwa at kilala na rin sa kanilang barangay, mula 2011 hanggang 2017 ay siya ang naitalaga bilang Parent Leader sa kanilang lugar. Para kay Irene, ang pinakamalaking tulong ng programa ay hindi lamang ang cash grants, kundi ang mga seminar at workshop na hatid ng 4Ps. Sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS), natuto siya ng iba’t ibang kakayahan at kaalaman bilang magulang at lider sa kanilang komunidad.
“Marami akong natutunan. Napapabilang ako sa mga seminar, workshop, at iba pang pagtitipon. Higit sa lahat, dito ko nahubog ang aking sarili — makisama, makipagkapwa, at makisalamuha sa iba’t ibang tao,” dagdag pa ni Irene.
Dahil sa kanyang mga natutunan, naitalaga si Irene bilang District Parents and Teachers Association President sa kanilang probinsiya. Kalaunan, nagkaroon siya ng una niyang “permanenteng” trabaho bilang Barangay Secretary sa loob ng tatlong taon. Mula rito, mas marami pang pinto ang nagbukas para sa kanya. Sa ilalim ng Republic Act 7160 o Barangay Official Eligibility sa ilalim ng Local Government Code of 1991, nakakuha siya ng Certificate of Eligibility mula sa Civil Service Commission.
Ngayon, si Irene ay ganap nang kawani ng gobyerno bilang isang Administrative Assistant II sa Department of Education (DepEd).
Ang lahat ng ito ay tila mga sanga ng biyayang unti-unting umusbong mula sa iisang ugat — ang pagiging 4Ps beneficiary at ang mga aral na natutunan niya sa FDS.
Para kay Irene, mahalagang balikan ang pinagmulan. Sapagkat sa bawat “pagputol” ng mga pagsubok, ay may panibagong sanga ng pag-asa at pag-unlad na tumutubo.
