Sa edad na 37, si Maricel B. Ludovice mula sa Barangay Sinagaran, Jovellar, Albay ay natutunan na ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa pagkakaroon ng kumpletong kamay o paa, kundi sa tapang na magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.

Ipinanganak si Maricel na may kapansanan. Ang ilan sa kanyang mga daliri sa kamay ay hindi kumpleto, habang ang mga daliri naman sa kanyang paa ay magkakadikit. Ayon sa mga doktor, ito ay likas na kondisyon mula pa nang siya ay ipanganak at wala nang maaaring isagawang operasyon upang ito ay mabago.

Ngunit ang pinakamabigat na pagsubok sa kanyang buhay ay hindi ang kanyang pisikal na kalagayan. Kundi ang paraan ng pagtingin at pagtrato ng ibang tao sa kanya.

Habang lumalaki, naranasan ni Maricel ang mga matang mapanghusga, at masasakit na salita mula sa ibang tao. Sa halip na maramdaman na siya ay kabilang, madalas niyang naramdaman na para siyang nasa labas ng isang grupo kung saan ang lahat ay may lugar maliban sa kanya.

Dahil sa mga karanasang ito, unti-unting naapektuhan ang kanyang tiwala sa sarili. Naging mahiyain siya at umiwas sa pakikisalamuha dahil natatakot siyang husgahan ng iba. Minsan, pakiramdam niya ay ang kanyang kapansanan lamang ang nakikita ng mundo at hindi ang kanyang kakayahan.

Ngunit sa kabila ng lahat, may pangarap na patuloy na kumakapit sa puso ni Maricel. Nais niyang makapagtapos ng pag-aaral at maging inspirasyon sa iba. Dahil dito, ipinagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa kursong Bachelor of Elementary Education (BEED), sa paniniwalang ang edukasyon ang magiging daan upang makamit niya ang mas magandang kinabukasan para sa kanyang sarili at pamilya.

Ngunit maging sa kolehiyo, hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. May mga pagkakataong pakiramdam niya ay hindi siya kabilang.

Masakit po kapag minsan iniisip ng iba na hindi mo kaya dahil lang may kapansanan ka,” pagbabahagi ni Maricel.

Hindi rin naging madali ang paghahanap ng trabaho. Sa halip na makita ang kanyang sipag at kagustuhang magtrabaho, may mga taong unang nakikita ang kanyang pisikal na kondisyon. Naranasan niya ang diskriminasyon at pagtanggi, ngunit hindi niya hinayaang ito ang maging dahilan upang sumuko. Dahil para kay Maricel, ang pagsuko ay hindi kailanman naging opsyon, lalo na dahil may tatlong anak siyang nagsisilbing inspirasyon niya araw-araw.

Bilang isang ina, mas naging makabuluhan ang bawat pagsubok na kanyang hinaharap. Nais niyang lumaki ang kanyang mga anak na nakikita siyang matatag at hindi sumusuko. Ngunit maging ang kanyang pamilya ay nakaranas ng sakit dulot ng panghuhusga ng iba. May mga pagkakataong tinutukso ng mga kalaro ng kanyang mga anak ang mga ito dahil sa kapansanan ng kanilang ina.

Masakit para kay Maricel na makita na ang kanyang mga anak ay naaapektuhan ng maling pananaw ng ibang tao. Ngunit sa halip na hayaang sirain siya ng mga karanasang ito, ginawa niya itong dahilan upang maging mas matatag.

Tinuruan niya ang kanyang mga anak na ang halaga ng isang tao ay hindi nasusukat sa itsura o pisikal na kakayahan, kundi sa kabutihan ng puso, tapang, at determinasyon.

Kaya naman, Malaki ang pasasalamat ni Maricel ng mapili siya bilang isa sa mga benepisyaryo ng Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay (KKB) Cash-for-Work Program (CFWP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).

Sa pamamagitan ng programa, nabigyan siya ng pagkakataong makapagtrabaho, kumita, at mapatunayan na ang mga taong may kapansanan ay may kakayahang tumulong sa kanilang pamilya at makibahagi sa komunidad.

Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Maricel na ang kanyang kakayahan ang kinilala, hindi ang kanyang kapansanan.

Natutuhan ko po na kaya ko palang magtrabaho kahit may kapansanan ako. Kailangan lang talaga ng pagtitiyaga at pagpupursige para magkaroon ng kita, kahit kaunti, basta marangal,” pagbabahagi niya.

Malaking tulong ang natanggap niyang oportunidad para sa kanyang pamilya. Nakatulong ito sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at sa pagpapatuloy niya ng kanyang pag-aaral.

Nagpapasalamat po ako sa DSWD dahil nabigyan ako ng pagkakataon na makasama sa ganitong programa. Malaking tulong po ito sa akin at sa aming pamilya. Nakabili po ako ng pagkain at nakatulong din ito sa aking pambayad ng tuition habang ipinagpapatuloy ko ang aking pag-aaral,” ani Maricel.

Para sa iba, maaaring isa lamang itong pagkakataong makapagtrabaho. Ngunit para kay Maricel, ito ay patunay na siya ay may kakayahan, may halaga, at karapat-dapat bigyan ng pagkakataon.

Hindi madali ang kanyang paglalakbay. May mga araw pa rin ng pagod, lungkot, at pag-aalinlangan. Ngunit ang bawat sakripisyo ay ginagawa niya para sa kanyang mga anak at upang patunayan na walang kapansanan ang makapipigil sa taong may matibay na pangarap.

Ang kanyang pangarap ay simple ngunit makahulugan katulad ng makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng maayos na trabaho, at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.

Para naman sa kapwa niya mga taong may kapansanan na maaaring nakararanas ng panghuhusga at kawalan ng pag-asa, ito ang mensahe ni Maricel:

Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag mahiyang ipakita kung sino kayo. Marami namang tumutulong tulad ng DSWD. May karapatan tayo sa oportunidad, sa trabaho, at sa magandang kinabukasan kahit tayo ay may kapansanan.”

Maaaring iba ang kanyang mga kamay at paa. Maaaring mas mahirap ang kanyang pinagdaanan.

Ngunit ang parehong mga kamay na minsang hinusgahan ng iba ang siyang yumayakap sa kanyang mga anak, nagsusulat ng kanyang mga pangarap, at patuloy na umaabot para sa mas magandang bukas. Dahil para kay Maricel, ang tunay na lakas ay hindi ang kawalan ng limitasyon. Ito ay ang paniniwalang kaya niyang malampasan ang mga ito.