May mga pagkakataon sa buhay na kailangan mong subukin ang iyong sarili upang mas malinang ang kakayahan at kapasidad na maaaring hindi mo pa nadidiskubre. 

At sa araw-araw na pakikisalamuha sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program ni Colleen Bea Hatol, isang Community Engagement Coordinator mula sa Magallanes, Sorsogon, kaniyang napagtanto na ang ambisyon sa sikolohiya at piniling trabaho ay hindi magkaibang landas. 

Sa panayam ng programa kay Colleen, kaniyang naibahagi na galing siya noon sa maghapon na Kalusugan, Kakayahan, at Kabuhayan (3K) Session nang inilabas ang resulta ng kaniyang unang subok sa Psychometrician Licensure Examination (PmLE). 

Dama ang kaba at pangamba na baka hindi niya naipasa ang nasabing board exam, hindi niya muna sinilip ang resulta. Sa katunayan, wala rin siyang pinagsabihan kung kailan lalabas ang resulta dahil ayaw niyang umasa. 

Sa gitna ng mga duda at pangamba, tila mapaglarong alaala na sumagi sa kaniyang isipan ang isang karanasan sa trabaho.

“During augmentation ko po sa Castilla for FRM and UPLIFT Payout, may na-meet akong isang tita na napagkuwentuhan ko tungkol sa doubt and kaba ko for board exam, tapos sinabihan niya ako ng, “Papasa ka kasi ma-pride ka. Kita ko sa mata mo,” grabe yung impact niya, and doon ko na-realize na iba ang nakikitang drive and fire sa mata ko ng ibang tao, so bakit ako matatakot sumubok and lumaban sa boards?” 

Kaya bandang alas sais ng gabi, dakong 6:58, nang magdesisyon si Colleen na buksan ang kaniyang Facebook at i-access ang website. 

Kalaban ang mahinang internet connection at samu’t saring advertisements na lumalabas sa kaniyang screen; isang pangalan ang kaniyang ninanais na makita. 

“Sign na ba ‘to na hindi ako pasado?” mga katagang binubulong ni Colleen sa sarili sa tuwing hihina ang koneksiyon. 

At nang makita ang kaniyang pangalan, tila isang bugso ng damdamin na hindi niya mabigyan ng kahulugan ang kaniyang naramdaman. 

“Nakalagpas po pala ako kaya nung nakita ko yung pangalan ko, hindi ko na alam kung anong pumasok sa isip ko, napaiyak na lang ako kasi [pasado] ako,”

Kakaibang tuwa na hindi mabigyan ng pangalan ang nagpaiyak kay Colleen, at sa gitna ng sayang nararamdaman, kaniya ring naibahagi ang mga pagsubok na pinagdaanan bago nasungkit ang personal na tagumpay.

Ani niya, hindi naging madali na pagsabayin ang trabaho bilang CEC at paghahanda sa board examination. 

“Limang araw po sa isang linggo ang trabaho, and every Friday, bumabyahe po ako pauwi sa Pilar from Magallanes para pumasok sa review center. Imagine, Friday kakatapos lang ng redemption tapos Saturday around 5:00 AM or 6:00 AM gigising ka para sa review tapos ‘yung katawan ko parang pabagsak na pero kailangan,” 

Sa kabila ng pagod at hirap na pagsabayin ang pagre-review at trabaho, isang bagay ang kaniyang napagtanto: ang sikolohiya at trabaho ay hindi naman talaga nagkakahiwalay. 

“Gustong-gusto ko po na makisalamuha sa iba’t ibang tao at maging part ng community,” panimula ni Colleen. “Kaya na-realize ko po na hindi naman nagkakahiwalay yung pagiging CEC sa psychology kasi sa araw-araw, iba-iba ang uri ng tao na na-mi-meet ko. Ang corny pakinggan pero kapag mahal mo yung ginagawa mo or for me, minahal ko na siya [kaya] siguro doon na din nag-combine yung pagmamahal ko sa sikolohiya tapos dito sa trabaho as CEC, kaya nakaya kong pagsabayin,” 

Bilang Psychology graduate, nakikita niya ang koneksyon ng kaniyang pinag-aralan sa pagiging CEC, lalo na sa araw-araw na pakikisalamuha sa iba’t ibang tao sa komunidad.

Ang fulfillment na nakukuha sa pagtulong sa mga benepisyaryo ay isa sa mga naging susi upang siya’y magpatuloy. Nakikita niya ito sa mga mensahe ng pasasalamat mula sa mga benepisyaryo at mga taong kaniyang natulungan sa iba’t ibang aktibidad ng programa. 

Kaya para kay Colleen, naging bahagi ng trabaho ang kaniyang passion sa Psychology.

Malaking bahagi rin ng kaniyang tagumpay ang inspirasyong nakuha sa yumaong nakatatandang kapatid. 

“Graduating po siya that time and ang bigat na hindi niya nafulfill yung gusto niyang gawin at yun din ang naging motivation at drive ko na huwag sayangin ‘tong moment (opportunity) na binigay sa akin,” 

Matapos makamit ang kaniyang lisensiya, ipagpapatuloy ni Colleen ang nasimulang serbisyo bilang Community Engagement Coordinator. Kasabay nito, kasalukuyan na rin siyang nag-aaral ng Social Work upang higit na malinang ang kaalaman at kakayahan sa piniling trabaho. 

Ang determinasyon at pagmamahal sa trabaho ang dalawang bagay na naghatid kay Colleen sa punto ng kaniyang buhay ngayon. Isang patunay na minsan, hindi kailangang mamili upang makamit ang mga pangarap. 

Dahil ang pusong determinado, hindi marunong sumuko.