Napapangiti na lamang ang 29-anyos na si Precious Danna Bigtas tuwing naaalala niya ang mga pinagdaanan bago unti-unting maabot ang kanyang mga pangarap.

Naalala niya ang tahanang yari sa pawid at kawayan na nagsilbing kanilang kanlungan, ang gaserang nagsisilbing ilaw sa gabi, at ang nilagang kamote o saging na madalas niyang baon sa pagpasok sa paaralan.

Simple man ang kanilang pamumuhay, hindi naging maliit ang pangarap ni Precious.

Pangalawa siya sa walong magkakapatid at anak sa pagkadalaga ni Genelita B. Casillan. Dahil hindi siya pinanagutan ng kanyang ama at nais ng kanyang ina na maipagpatuloy ang sariling pag-aaral, ipinagkatiwala si Precious sa kanyang lolo at lola sa Bicol noong dalawang taong gulang pa lamang siya.

Sa murang edad, namulat na siya sa hirap ng buhay.

Maliit lamang ang lupang sinasaka ng kanyang lolo at lola. Upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at pag-aaral, namumulot sila ng niyog para gawing kopra o kaya naman ay nagtatanim at nagbebenta ng gulay at mga kakanin.

Hindi rin naging madali ang pagpasok sa paaralan.

Nilalakad nila ang mahabang daan patungo sa eskwelahan at sa halip na pera, nilagang saging o kamote ang madalas na baon. May mga panahong kailangan na lamang nilang matulog upang malimutan ang gutom.

Habang ang ibang mga bata ay naglalaro, tumutulong naman si Precious at ang kanyang mga kapatid sa gawaing-bahay at paghahanapbuhay ng pamilya.

May mga pagkakataong itinatanong niya sa sarili kung makakaahon pa ba sila sa kahirapan. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, nakita niya sa pagsisikap ng kanyang pamilya ang dahilan upang mas pagbutihin ang kanyang pag-aaral.

Noong 2014, dumating ang dagdag na suporta nang maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanilang pamilya. Apat sa kanyang mga kapatid ang naging monitored children ng programa.

Bukod sa tulong pinansyal, naging bahagi rin ng kanilang pamilya ang Family Development Sessions (FDS), kung saan natutunan nila ang mas maayos na paghawak at paggamit ng limitadong pinagkukunang-yaman.

Sa parehong taon, nagtapos si Precious sa high school.

Dahil sa dami ng magkakapatid na nag-aaral at sa kanilang kalagayang pinansyal, naisip niyang ipagpaliban muna ang kolehiyo upang makapagtrabaho at makatulong sa pamilya.

Ngunit hindi doon natapos ang kanyang pangarap.

Napili si Precious bilang benepisyaryo ng Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) sa ilalim ng 4Ps. Para sa kanya at sa kanyang pamilya, naging pagkakataon ito upang maipagpatuloy niya ang pag-aaral na minsan na niyang naisip na isantabi.

Sa tulong ng kanilang Municipal Link at sa sarili niyang determinasyon, nakapagkolehiyo siya at kumuha ng Bachelor of Science in Environmental Management.

Hindi man tuluyang nawala ang mga pagsubok, mas magaan na ang kanyang paglalakbay. Bitbit niya ang kanyang pananampalataya at paniniwalang makakamit din niya ang kanyang mga pangarap.

Sa kolehiyo, hindi lamang siya nagsikap sa akademya. Aktibo rin siyang nakilahok sa mga organisasyon, seminar, leadership training, at iba pang school activities.

Sa loob ng apat na taon, nagsilbi siyang President ng ESGP-PA Scholars sa kanilang paaralan. Noong 2018, nahalal din siyang College Student Council President, isang karanasang higit na humubog sa kanyang kakayahang mamuno at maglingkod sa kapwa.

Bunga ng kanyang pagsisikap, nagtapos siya noong 2018 na may pagkilala bilang Best in Undergraduate Thesis at Leadership Awardee.

Pagkatapos ng kolehiyo, agad siyang naghanap ng trabaho upang makatulong sa pamilya. Naging checker siya sa isang Japanese company sa Batangas at doon nagtrabaho nang dalawang taon.

Ngunit nang dumating ang pandemya noong 2020, kinailangan niyang bumalik sa Bicol.

Sa pagkakataong iyon, nagpasya siyang maglingkod sa sarili niyang bayan. Natanggap siya bilang empleyado ng Lokal na Pamahalaan ng Jose Panganiban.

Sa kasalukuyan, anim na taon na siyang nagsisilbi bilang Administrative Aide III sa Municipal Agriculture Office ng LGU Jose Panganiban.

Hindi pa man niya naipundar ang lahat ng bagay na nais niya para sa sarili, mayroon siyang isang bagay na higit niyang ipinagmamalaki: ang pagkakataong makatulong sa kanyang mga kapatid na patuloy ding nangangarap at nagsisikap para sa kanilang kinabukasan.

Para kay Precious, ang 4Ps ay hindi lamang naging tulong sa panahon ng kanilang pangangailangan. Naging bahagi ito ng paglalakbay na nagbukas sa kanya ng pagkakataong makapag-aral, makapagtapos, at makapaglingkod.

Mula sa batang naglalakad papasok sa paaralan na kamote o saging ang baon, sa tahanang pawid at kawayan ang dingding at gasera ang ilaw, ngayon ay isa na siyang empleyadong patuloy na nagtatrabaho para sa kanyang pamilya at komunidad.

At sa tuwing naaalala niya ang kanilang dating buhay, hindi lamang hirap ang nakikita ni Precious.

Nakikita rin niya ang mga pangarap na unti-unting nagkaroon ng liwanag.