BARAS, Catanduanes | Hulyo 21, 2026 — Nagbunga na ang pinaghirapan ng mga partner-beneficiaries ng Project LAWA at BINHI sa isla ng Catanduanes nang pormal nang simulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang payout ng kanilang pinaghirapang kompensasyon.

Kapalit ng 20-araw na Cash-for-Training at Cash-for-Work Activities, ang bawat partner-beneficiary ay tumatanggap ng ₱8,700.00 na tulong pinansiyal.

Sa kasalukuyan, patuloy na naghahatid ang ahensiya ng extra love at extra care sa 400 partner-beneficiaries sa Bayan ng Baras, habang nauna nang nabigyan ng parehong tulong ang 400 partner-beneficiaries sa Bayan ng Gigmoto.

Isa sa mga benepisyaryo mula sa Baras ang nagpahayag na gagamitin niya ang natanggap na tulong upang higit pang mapalago ang kanilang kabuhayan.

Aniya, “Gagamitin ko po itong natanggap kong pera upang makabili ng dagdag na kagamitan sa sakahan ko. Sa tulong po nito, mas dadami pa po ang pwede kong maani na gulay at prutas.”

Magtatagal ang payout mula Hulyo 20 hanggang Hulyo 24, 2026, kung saan susunod na mahahatiran ng tulong ang mga partner-beneficiaries sa mga bayan ng Viga, Bagamanoc, at Caramoran.

Sa kabuuan, 1,700 partner-beneficiaries sa lalawigan ng Catanduanes ang inaasahang mabibigyan ng kompensasyon na may kabuuang ₱14.79 milyong alokasyon.

Sa gitna ng pabago-bagong klima, patuloy na pinalalakas ng DSWD Bicol, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, ang katatagan ng mga komunidad sa pamamagitan ng Project LAWA at BINHI, isang Risk Resiliency Program na nagsusulong ng seguridad sa pagkain, pangangalaga sa likas na yaman, at kahandaan sa sakuna.

Sa paggabay ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at bilang pagsuporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa matatag, sustenable, at mas matibay na mga komunidad, patuloy na inihahatid ng ahensiya ang mga programang nagbibigay ng pag-asa at pagkakataong umunlad sa bawat pamilyang Pilipino.