Sa kabila ng dilim na bumabalot sa kanyang paningin, maliwanag para kay Clarence C. Nayve, 23-taong gulang, mula sa Brgy. Caratagan,Pioduran, Albay ang direksyon ng kanyang buhay. Ipinanganak na may congenital glaucoma, tuluyan siyang nawalan ng paningin noong siya ay Grade 9. Ngunit sa halip na panghinaan ng loob, pinili niyang yakapin ang bawat pagsubok at gawing hakbang tungo sa tagumpay. “Kung mayroong 1,000 reasons para sumuko, mayroon tayong 1,001 na rason para magpatuloy,” ani Clarence.

Si Clarence ay dating Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) monitored child ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region. Noong 2012, nairehistro ang kanilang pamilya sa 4Ps at mula noon ay nakatanggap siya ng educational grants upang matustusan ang kanyang pag-aaral at health grants para sa kanyang mga medikal na pangangailangan. Dagdag pa sa suporta ng pamilya at mga mahal sa buhay, malaking tulong para kay Clarence ang tulong mula sa programa na nagpatibay ng kanyang determinasyong magtagumpay.

Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan upang maabot ang kanyang pangarap. Nagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Arts in Literature sa Bicol University – College of Arts and Letters. Panganay sa apat na magkakapatid, nagsilbi siyang inspirasyon hindi lamang sa tahanan kundi sa buong komunidad.

“Magkaroon ka ng ambag sa lipunan,” ito ang malinaw niyang paninindigan. Napatunayan niya ito nang pumasok bilang intern sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Office ng Pioduran, kung saan ang una niyang ambag ay paggawa ng minutes of the meeting gamit lamang ang kanyang cellphone—ang tanging assistive device na mayroon siya.

Ayon kay Clarence, ang kanyang cellphone ay may speech output feature na ginagamit niya upang mabasa at maintindihan ang mga nilalaman ng anumang reading materials. Sa araw-araw, hindi siya umatras sa mahahabang oras ng pagbabasa, paglalakad, at pagsusulat. Bilang lider at manunulat, ginamit niya ang wika at panitikan upang isulong ang respeto, representasyon, at pantay na oportunidad para sa Persons with Disabilities (PWDs), hindi bilang pabor, kundi bilang karapatan.

“To live in a world where the term ‘despite’ will no longer be paired with ‘disability’ when talking about the achievements of PWDs… where their feats are not deemed as exceptions, but as genuine expressions of their true potential,” ani Clarence sa kaniyang Facebook post, habang inilalarawan ang mundong inaasam niyang matupad balang araw.

Nang matanong kung ano ang plano niya ngayong tapos na ang kolehiyo, sabik na sinabi nitong “pangarap ko po talagang makapagtrabaho sa government. Kung dati po ay ako ang tinutulungan ng gobyerno, nais ko naman po ngayon an ibigay ang serbisyo ko.”

Ang kwento ni Clarence ay patunay na anumang hamon ang ating harapin, posible pa ring magtagumpay kung may tiwala sa sarili, suporta mula sa pamilya at komunidad, at hangaring mag-ambag sa ikabubuti ng lahat. Magsilbi sanang inspirasyon ang kanyang kwento upang mas marami pang kabataang Pilipino ang magpursige at magtiwala sa sariling kakayahan.

Ang kwento ni Clarence ay hindi eksepsyon, kundi malinaw na patunay ng potensyal ng bawat batang Pilipino kapag nabibigyan ng sapat na suporta at pagkakataon.