
Sagñay, Camarines Sur — Kagaya ng malimit na linya sa mga pelikulang patungkol sa pag-ibig na, “𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘩𝘢𝘥𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘥𝘪𝘴𝘵𝘢𝘯𝘴𝘺𝘢 𝘰 𝘭𝘢𝘺𝘰 𝘶𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭𝘪𝘯 𝘬𝘢,” ito rin ang naging inspirasyon ng mga Angels in Red Vests ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa kanilang pagtugon upang matunton si Lolo Regino S. Rivera at maipagkaloob ang kinakailangang tulong.
Si Lolo Regino, 61 taong gulang, ay kasalukuyang dumaranas ng karamdaman—namamaga at may sugat ang kanyang mga mata na nagdudulot ng hirap sa kanyang paningin.
Wala siyang sariling pamilya at mag-isang naninirahan sa isang maliit na dampa sa gitna ng bundok. Ngunit sa kabila ng kawalan ng asawa at anak, sinisiguro ng kanyang mga kapatid na hindi siya kailanman nag-iisa.
Dahil sa pag-aalala, nanawagan sa social media ang isa sa kanyang mga kapatid na si Arlene upang humingi ng tulong—partikular na para muling siyang maipatingin sa doktor at madala sa ospital.
Noong Agosto 12, agad na tumugon ang DSWD Bicol, sa tulong ng SWAD Camarines Sur at Crisis Intervention Section (CIS)-Tigaon. Mabilis silang nakipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan ng Sagñay upang makalap ang kinakailangang impormasyon.
Kaagapay ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Sagñay, personal na nagtungo ang mga kawani ng DSWD sa Barangay Turague, kung saan naninirahan si Lolo Regino.
Mula sa sentro ng Sagñay, humigit-kumulang apat na kilometro ang nilakad ng grupo, 30 minuto sa ilalim ng tirik na araw, upang marating ang kanyang tahanan.

Napag-alaman na nagsimula pa noong Mayo ang kondisyon ni Lolo Regino, matapos tamaan ng isang bagay sa mata habang siya ay nagsasaka. Hanggang ngayon, hindi pa rin tiyak kung ano ang pumasok sa kanyang mata.
Ayon kay Arlene, “𝘔𝘢𝘺 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘯𝘴𝘢𝘯𝘢𝘯 𝘱𝘰 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘥𝘪𝘯𝘪𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘵𝘪𝘥 𝘬𝘰, 𝘢𝘵 𝘯𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯 𝘢𝘺 𝘩𝘪𝘳𝘢𝘱 𝘯𝘢 𝘳𝘪𝘯 𝘴𝘪𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘴𝘢𝘭𝘪𝘵𝘢 𝘬𝘢𝘺𝘢 𝘮𝘢𝘩𝘪𝘳𝘢𝘱 𝘱𝘰 𝘬𝘢𝘮𝘪𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘬𝘶𝘩𝘢 𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘭𝘪𝘯𝘢𝘸 𝘯𝘢 𝘪𝘮𝘱𝘰𝘳𝘮𝘢𝘴𝘺𝘰𝘯 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘰 𝘵𝘢𝘭𝘢𝘨𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘯𝘩𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘯𝘺𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘰𝘯𝘥𝘪𝘴𝘺𝘰𝘯.”
Noong Mayo ay nagpa-CT scan na si Lolo Regino, ngunit dahil sa kakulangan sa pera, hindi na ito nasundan ng karampatang medikasyon o operasyon.
Bilang tugon, nagbigay ang DSWD Bicol ng Php 10,000 na tulong-pinansiyal sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) upang makatulong sa pang-araw-araw na gastusin at makabili ng mga kinakailangang gamot at gamit.

Hindi lamang pinansyal na tulong ang naipagkaloob—nagbigay rin ng psychosocial intervention ang mga social workers ng ahensya upang mapalakas ang emosyonal at mental na kalagayan ni Lolo Regino. Binigyang-diin din ang kahalagahan na siya’y maipatingin agad sa ospital.
Kaya sa mismong araw na iyon, naihatid ng Lokal na Pamahalaan si Lolo Regino sa Sagñay Infirmary upang masimulan muli ang kinakailangang medikal na atensyon.

Kaugnay nito, nakatakda ring magbigay ng Medical Assistance ang DSWD Bicol para sa mga laboratory tests o procedures na kailangan ng pasyente.
Ito ang mga tulong na naihatid ng ahensya mula sa ilang kilometrong layo at daan-daang hakbang—hindi inalintana ang init at pagod ng paglalakbay maipaabot lamang ang kalinga sa mga tunay na
nangangailangan.
Tulad nga ng liriko sa isang sikat na kanta, “𝘎𝘢𝘨𝘢𝘸𝘪𝘯 𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵… 𝘬𝘶𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘩𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘢𝘯𝘨… 𝘬𝘪𝘭𝘰𝘮𝘦𝘵𝘳𝘰-𝘬𝘪𝘭𝘰𝘮𝘦𝘵𝘳𝘰𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘺𝘰.” Sa ngalan ng maagap at mapagkalingang serbisyo, ang DSWD Bicol at ang kanilang mga Angels in Red Vests ay patuloy na handang tumahak sa kahit anong daan, maihatid lamang ang tunay na Serbisyong May Malasakit. ###
