Sabi nga sa sikat na kanta ni Nik Makino,

“Araw-araw sipag lang.

Sipag lang.
Huwag hihinto, tuloy-tuloy mo lang.”

Ngunit sapat nga ba talaga ang “sipag lang”?

Para kay Titser Algean Cababan, hindi.

Para sa kanya, kailangang may kasabay itong tiyaga at panalangin.

Lumaki si Algean sa Barangay Guindawahan, Pio V. Corpus, Masbate, sa isang pamilyang araw-araw na nagsisikap upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanyang ina na si Vilma Cababan.

Samantala, nagsikap naman ang kanyang ama bilang magsasaka at nagnenegosyo ng buy-and-sell ng mga alagang hayop upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sa kabila ng kakapusan, sinikap ng mga magulang ni Algean na maibigay sa kanilang mga anak ang isang bagay na itinuturing nilang susi sa mas magandang kinabukasan: edukasyon.

Sa tulong ng 4Ps, nagkaroon ng dagdag na suporta ang pamilya para sa pangangailangan sa kalusugan at pag-aaral ng kanilang mga anak. Ngunit higit pa sa tulong na natanggap, naging mahalaga rin ang pagsisikap ng buong pamilya upang mapagkasya ang kanilang limitadong pinagkukunang-yaman.

Sa mga sakripisyo ng kanyang mga magulang, nakita ni Algean ang dahilan upang lalo siyang magsikap.

Hindi naging madali ang kanyang pag-aaral, ngunit hindi niya hinayaang maging hadlang ang kanilang kalagayan sa kanyang pangarap. Sa bawat pagsubok, pinanghawakan niya ang sipag, tiyaga, at pananampalataya.

Kalaunan, nakapagtapos siya ng kolehiyo at hinarap ang panibagong hamon, ang Licensure Examination for Teachers.

Nang lumabas ang resulta, isa si Algean sa mga nakapasa.

Para sa kanya, higit pa sa lisensya ang tagumpay na iyon. Isa itong bunga ng mahabang paglalakbay ng kanilang pamilya at patunay na ang mga pangarap na sinimulan sa gitna ng kakapusan ay maaari ring humantong sa tagumpay.

Ngayon, isa na siyang pampublikong guro.

Sa loob ng klasrum, hindi lamang niya ibinabahagi ang kanyang kaalaman. Dala rin niya ang sariling karanasan bilang anak ng isang pamilyang nagsikap at unti-unting nakaahon sa hirap.

“Sipag, tiyaga, at panalangin ang aking pinanghawakan. Hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng mga pangarap; ginawa ko itong inspirasyon upang magsikap hindi lamang para sa aking sarili kundi para sa aking pamilya,” ani Algean.

Hindi rin natapos sa kanyang sariling tagumpay ang kanyang hangaring makatulong.

Bilang isang guro at kapamilya, patuloy niyang hinihikayat ang mga kabataan na seryosohin ang kanilang pag-aaral at huwag sumuko sa kanilang mga pangarap. Para sa kanya, mahalagang may isang taong maniniwala sa kakayahan ng bawat kabataan, lalo na sa mga dumaraan sa parehong pagsubok na kanyang naranasan.

Unti-unti ring nagbunga ang mga sakripisyo ng pamilya Cababan.

Sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap sa pagsasaka at pag-aalaga at pagbebenta ng mga hayop, maingat na pamamahala sa kanilang kabuhayan, at pagpupursige ng kanilang mga anak sa pag-aaral, nagkaroon ng pagbabago sa kanilang kalagayan.

Naging daan ang mga pagbabagong ito upang maabot ng pamilya ang Level 3 o Self-Sufficient Level of Well-Being, dahilan upang tuluyan silang makalabas sa 4Ps.

Mula sa isang pamilyang nagsikap na maitawid ang araw-araw na pangangailangan, ngayon ay nakatayo si Algean bilang isang guro na patuloy na nagsisilbi at nagbibigay-inspirasyon sa iba.