
Nitong Disyembre 2025 hanggang sa unang bahagi ng Enero 2026, sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V-Bicol Region ang mga paghahanda para sa ikalawang taon ng implementasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program (TBTP) 2026.
Sa pamamagitan ng TBTP Regional Program Management Office (RPMO), isinagawa ang mga exploratory visits sa mga potensyal na katuwang na ahensiya para sa pagpapatupad ng serbisyong pagbasa at pagtugon sa pangangailangang pinansyal ng mga mag-aaral sa kolehiyo at mga pamilyang may mababang kita.
Sa susunod na implementasyon, inaasahang madaragdagan ang bilang ng mga benepisyaryo sa rehiyon. Mula sa tatlong kasalukuyang bayan na Bulan, Sorsogon; Daraga, Albay; at Libmanan, Camarines Sur, posibleng madagdagan pa ito ng tatlong munisipalidad na kinabibilangan ng Naga City, Camarines Sur; Sorsogon City, Sorsogon; at Virac, Catanduanes. Mula sa 4,545 na target na benepisyaryo noong 2025, itinaas ito sa 9,200, kabilang ang mga ikalawa hanggang ikaapat na taong mag-aaral sa kolehiyo, mga incoming Grade 2 na mag-aaral na may kahirapan sa pagbabasa, at ang kanilang mga magulang.
Upang matiyak ang aktibong partisipasyon ng mga target na lugar, isa-isang binisita ng TBTP RPMO ang mga tanggapan ng Department of Education (DepEd) Regional Office V at mga Schools Division Offices (SDOs), Commission on Higher Education (CHED) Bicol, mga lokal na pamahalaan, at mga State at Local Universities and Colleges (S/LUCs). Layunin ng mga pagbisitang ito na magbigay ng paunang oryentasyon hinggil sa layunin at proseso ng TBTP, gayundin ang pagkuha ng kanilang mga tugon at pagtukoy sa posibleng papel ng bawat ahensiya sa implementasyon ng programa.

Nagpahayag ng positibong pagtugon ang mga katuwang na ahensiya, partikular ang mga lokal na pamahalaan, na naglahad ng kanilang patuloy na suporta sa programa. Kabilang sa mga inisyatiba ang pagpapaigting ng partnership sa pamamagitan ng mas malawak na partisipasyon ng kabataan, tulad ng aktibong paglahok ng Sangguniang Kabataan sa pagbibigay ng asistensya. May ilan din sa kanila ang nagpahayag ng interes at plano na i institutionalize ang programa upang mas mapalawak ang maaabot nitong benepisyo sa kanilang mga komunidad.

Binibigyang-diin din ng mga S/LUCs ang kahalagahan ng pagsisiguro na ang mga Tutors at Youth Development Workers (YDWs) na ieendorso ng mga paaralan ay may sapat na kakayahan at kwalipikasyon sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at paghahanda, lalo na ang mga unang naging bahagi ng programa.
Magpapatuloy ang mga pagpupulong at koordinasyon sa mga susunod na buwan upang higit pang paigtingin ang pagpaplano at masiguro ang maayos na pagpapatuloy ng programang nasimulan sa pilot implementation noong 2025.
