“Ukay-ukay.”
Isang salitang madalas marinig saan mang sulok ng Pilipinas. Ayon sa depinisyon, ito ay tindahan ng mga segunda manong damit, sapatos, bag, at kung anu-ano pang kagamitan. Ngunit para sa pamilyang Legal ng Brgy. Usab, Masbate City, ang “ukay-ukay” ay hindi lamang basta tindahan. Isa itong simbolo ng hindi pagsuko sa hamon ng buhay.
Kuwento ni Nanay Nora Legal, dahil hindi sapat ang kita ng kanyang asawa na si Tatay Edison bilang tricycle driver at on-call truck driver, kinailangan niyang humanap ng paraan upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Dito nagsimula ang kanyang maliit na negosyo sa pagbebenta ng mga damit mula sa ukay-ukay.
Magkatuwang ng mag-asawa na itinaguyod ang kanilang anim na anak. Ngunit sa kabila ng kanilang pagsusumikap, aminado si Nanay Nora na madalas pa rin silang kapos, lalo na’t nagsisimula nang pumasok sa paaralan ang mga bata.
“Kahit po kapos, number one po talaga sa priority namin na makatapos itong mga anak namin para po mas maganda ang hinaharap nila,” kwento ni Nanay Nora.
Nagbago ang takbo ng kanilang buhay noong 2011, nang mapabilang sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Nanay Nora, unti-unti ay naging mas magaan ang buhay dahil natutugunan ng 4Ps ang gastusin sa paaralan at nutrisyon ng mga bata. “Hindi lang po assistance ang 4Ps, ito po ay oportunidad. Kaya habang pumapasok po sa paaralan ang mga bata, sinisigurado ko pong wala akong absent sa Family Development Sessions o FDS,” dagdag niya.
Paglipas ng ilang taon, apat sa anim nilang anak ay nakapagtapos na ng kolehiyo. Tatlo sa kanila ang may permanente nang trabaho, habang ang isa ay nagsisimula nang mag-apply. Ang dalawa namang anak ay patuloy pang nag-aaral, mga estudyanteng ipinagmamalaki ni Nanay Nora dahil sa kanilang magandang performance sa klase.
Aminado rin si Nanay Nora na malaki ang ipinagbago ng kanyang pananaw sa sarili. Sa tulong ng FDS, mas naging kumpiyansa siya bilang babae, ina, at asawa.
Para kay Nanay Nora, edukasyon pa rin ang susi sa mas magandang kinabukasan. At bilang tindera ng mga damit, “Toga” ang pinakamagandang naipasuot niya sa kanyang mga anak na naging posible sa tulong ng 4Ps.
“Sa amin pong mag-asawa, isa lang ang pangarap namin, ang makapagtapos ang mga anak namin. Kahit gaano pa yan kahirap, igagapang namin ang pag-aaral nila. Kaya salamat sa DSWD, daku-daku ang bulig san 4Ps sa amon,” wika ni Nanay Nora.
Mensahe niya sa kapwa magulang na nangangarap ding makita ang kanilang anak na nakasuot ng toga:
“Magpatuloy lang, mangarap, magpursige, at huwag kailanman susuko.”