
Tubo o sugarcane. Siguro, iilan na lamang ang tunay na makaka-relate sa kung paano ito kinakain o sinisipsip. Mga batang 90s na siguro ang mas nakakaalam.
May proseso bago mo tuluyang malasahan ang matamis na katas nito. Kailangan mo munang humanap ng maayos na tubo, putulin, balatan, at saka kagatin at nguyain hanggang tuluyang lumabas ang katas.
Bago naging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), salat man sa materyal na bagay ang pamilya nina Lenny Vargas Barbosa at Urbano, hindi sila nawalan ng sipag at determinasyon.
Magkatuwang silang nagsasaka at namamahala sa limang ektaryang tubuhan na pinagkukunan nila ng panggastos para sa pagkain, iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, at higit sa lahat, edukasyon ng kanilang tatlong anak.
Hindi naging madali ang kanilang buhay. Noon, ang kanilang tahanan ay gawa sa magagaan na materyales at mahina ang pundasyon. Sa tuwing may banta ng kalamidad, kailangan nilang humanap ng mas ligtas na matutuluyan o lumikas sa evacuation center ng barangay.
Gayunman, nanatiling matatag ang pamilya. Sa gitna ng kakulangan, pinatatag sila ng pagkakaisa, pagtutulungan at pagmamahal sa isa’t isa. Para kina Lenny at Urbano, ang pinakamahalagang maipamana nila sa kanilang mga anak ay magandang kinabukasan, lalo na sa pamamagitan ng edukasyon.
Taong 2014 nang mabuksan ang isang mahalagang oportunidad para sa pamilya nang mapabilang sila sa Set 1D ng Modified Conditional Cash Transfer for Indigenous Peoples (MCCT-IP), isang bahagi ng 4Ps.
Bilang benepisyaryo, ginamit ng pamilya ang natatanggap na cash grants para sa pagkain, mga pangunahing pangangailangan at gastusin sa pag-aaral. Para kay Lenny, malaking hakbang ang pagkakaroon nila ng 4Ps dahil nakatulong ito upang mas mapagtuunan nila ng pansin ang edukasyon ng kanilang mga anak.
Hindi lamang bilang benepisyaryo naging bahagi ng programa si Lenny. Nagsilbi rin siyang Parent Leader ng MCCT-IP sa kanilang barangay. Sa kanyang aktibong pakikilahok sa Family Development Sessions, mga gawain sa barangay at iba pang aktibidad ng programa, mas nahubog ang kanyang kakayahan sa pakikipagkapwa at paglilingkod sa komunidad.
Ang mga aral at karanasang ito ay dinala rin niya sa mas malawak na paglilingkod. Noong 2023, nahalal siya bilang Barangay Kagawad. Para kay Lenny, malaking tulong ang kanyang karanasan bilang Parent Leader sa 4Ps dahil natutunan niyang makinig, makipag-ugnayan sa kapwa at maging responsable sa paglilingkod.
At tulad ng tubo na unti-unting pinaghihirapan bago malasahan ang tamis nito, unti-unti ring nakita ng pamilya ang bunga ng kanilang mga sakripisyo.
Noong 2024, nakapagtapos ng Bachelor of Science in Mechanical Engineering ang kanilang panganay na si John Paul. Hindi nagtagal, nakapasa rin siya sa Mechanical Engineering Licensure Examination. Ang kanilang pangalawang anak na si Pee Jay ay nagpapatuloy naman sa Senior High School, habang ang bunso nilang si Ethan Jay ay nakatakdang magsimula sa Daycare.
Para kina Lenny at Urbano, bawat tagumpay ng kanilang mga anak ay bunga ng mahabang panahon ng pagtitiyaga. Ang dating pangarap lamang na mapag-aral at mapagtapos ang kanilang mga anak ay unti-unti nang nagiging realidad.
Sa ginawang Social Welfare and Development Indicator (SWDI) validation noong 2025, nasa Level 2 o Subsistence ang pamilya Barbosa. Bagama’t kailangan pa rin nila ng karagdagang suporta habang pinag-aaral ang kanilang dalawang anak, maluwag na ang kanilang kalooban sa posibilidad na makapagtapos sa programa anumang oras.
Sa kanilang paglalakbay bilang bahagi ng 4Ps, naging katuwang nila ang programa upang unti-unting maabot ang mga pangarap na dati ay tila malayo.
“Ang tagumpay ng buhay ng pamilya Barbosa ay tagumpay na kuwento ng Pantawid Pamilya.”
Mula sa hirap ng pagtitiyaga sa tubuhan, sa tulong at gabay ng 4Ps, hanggang sa pagtatapos at pag-abot ng mga pangarap ng kanilang mga anak, ipinakita ng pamilya Barbosa na tulad ng tubo, may tamis na naghihintay sa dulo ng bawat paghihirap.
Kapag pinagsama ang sipag, pagkakaisa, oportunidad at edukasyon, ang bawat sakripisyo ay maaaring maging hagdan tungo sa mas matamis na buhay para sa pamilya.
