“Binibilhan ko po sila ng vitamins tuwing may payout para maiwasang magkasakit.”Ito ang sagot ni Nanay Elvie Mativo mula sa Brgy. Mahayag, Placer, Masbate nang tanungin kung paano niya tinitiyak noon ang kalusugan ng kanilang mga anak gamit ang cash grant mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Maaaring simpleng bagay lang ang “vitamins” para sa iba, ngunit para sa isang pamilyang biyaya na ang pagkakaroon ng sapat na pagkain sa hapag, ito ay isa nang malaking bagay.
Ayon kay Nanay Elvie, bago pa man dumating ang 4Ps sa buhay ng kanilang pamilya noong 2009, pilit na nilang iginagapang ng kanyang asawang si Tatay Alfred ang pag-aaral ng kanilang anim na anak. Siya ay isang day care worker, samantalang magsasaka naman ang kanyang asawa. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, kulang pa rin ang kinikita para sa pag-aaral at iba pang pangangailangan ng mga anak.
“Sobrang bigat sa kalooban na hindi mo matustusan ng sapat ang pangangailangan ng iyong mga anak, lalo na’t pangarap nilang lahat na makatapos ng pag-aaral,” ani Elvie.
Para sa mag-asawa, ang pagkakasali sa 4Ps ay hindi lamang isang simpleng tulong mula sa pamahalaan, kundi isang panibagong pagkakataon upang makaahon sa kahirapan at magkaroon ng panibagong pag-asa. Alam nilang ito ay isang biyayang hindi nila dapat sayangin para sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
“Nakatulong po ang cash grants sa aming pamilya, lalo na sa mga anak kong nag-aaral. Nagkaroon ng malaking pagbabago sa aming buhay. Kapag nakakakuha ako tuwing payout, inuuna kong bilhin ang mga pangangailangan nila sa eskwela tulad ng uniporme, sapatos, bag, at iba pang gamit. Gusto ko po na pumasok sila nang maayos ang kasuotan at kumpleto ang gamit. Dahil dito, nakikita kong excited silang pumasok at hindi nahihiya dahil may sapat silang gamit,” dagdag ni Elvie.
Dahil sa pinagsamang pagsisikap at determinasyon ng pamilya, na sinamahan pa ng tulong ng 4Ps, unti-unti nilang nabago ang takbo ng kanilang buhay. Tatlo sa anim na anak nina Nanay Elvie at Tatay Alfred ay nakatapos na at may kanya-kanyang trabaho, habang ang natitirang tatlo ay kasalukuyang nasa kolehiyo.
Bago matapos ang 2024, naideklara ang pamilya bilang Level 3 – Self-Sufficient, o sa madaling sabi, handa nang mag-exit at maging graduate ng programa.
“Masaya po ako na isa ang aming pamilya sa mga napabilang sa programa. Ngayon na kami ay magga-graduate na, lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng tulong na aming natanggap. Marami ang naging pagbabago sa aming buhay, lalo na sa edukasyon ng aking mga anak. Ngayon, pagtutulungan naming mag-asawa at ng mga anak kong nakapagtapos na ang pag-aaral ng tatlo ko pang anak,” ani Elvie.
Habang binabalikan ni Nanay Elvie ang kanilang paglalakbay bilang pamilyang 4Ps, hindi lang pala ang kanyang anim na anak ang natuto. Maging siya ay marami ring napulot mula sa Family Development Sessions (FDS).
“Ang pinaka-tumatak po sa akin ay ang Financial Literacy. Maliit man po ang kita namin, pero dahil sa tamang pagbubudget at pagiging masinop, marami na po kaming naipundar ng aking asawa,” sabi ni Elvie.
Ang kuwento ng Pamilya Mativo ay maihahalintulad sa pag-inom ng vitamins. Tulad ng katawan na nagiging mas malusog kapag may sapat na bitamina, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay nagsilbing “Vitamin 4Ps” na nagpalakas sa kanila upang maging mas matatag, mas malusog, at mas handang harapin ang hamon ng buhay.
