Bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), 114 na parent leaders mula sa iba’t ibang barangay ng Virac, Catanduanes ang tumanggap ng kanilang unang quarterly honorarium na nagkakahalaga ng P1,500 bawat isa, na may kabuuang P171,000, mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Virac Municipal Councilor Hon. Lemuel P. Surtida, na siyang nagpasa ng Municipal Ordinance No. 2024 – 15 para sa pagbibigay honorarium sa mga parent leader, “Ito ay isang paraan upang higit pang mahikayat ang mga parent leaders na gampanan ang kanilang tungkulin at responsibilidad sa 4Ps program.”
Nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa ahensya at lokal na pamahalaan si Aileen M. Lasanas, Presidente ng Virac United Federation of Parent Leaders. Aniya, “Malaking tulong ito upang matustusan ang aming maliliit na pang-araw-araw na gastusin katulad ng pamasahe at iba pang pangangailangan habang patuloy naming ginagampanan ang aming tungkulin sa paggabay at pagsuporta sa mga miyembro ng 4Ps. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa pagsulong ng ordinansa na ito. Salamat sa inyo sa pagkilala sa aming pagsisikap. Ang suportang ito ay nagbibigay-inspirasyon sa amin upang patuloy na maglingkod nang may dedikasyon at malasakit sa aming komunidad.”
Si Jovel D. Tabor, isang Parent Leader mula sa Brgy. Valencia, Virac, Catanduanes, ay nagpahayag din ng kaniyang kagalakan. “Isang karangalan ito sa amin bilang parent leader at maraming salamat po sa LGU Virac. Ang honorarium ay hindi lamang suporta sa amin kundi simbolo rin ng pagpapahalaga sa serbisyong ibinibigay namin sa aming komunidad.”
Ang inisyatibong ito ay paraan ng lokal na pamahalaan upang bigyan ng suporta ang mga parent leader ng komunidad. Layunin nitong ipagpatuloy ang pagbibigay ng tulong pinansyal bilang dagdag na motibasyon sa kanilang paglilingkod.
Maliban sa Virac, Catanduanes, una nang nagpasa ng kaparehong ordinansa ang munisipyo ng Milagros, Masbate noong 2023 kung saan 192 parent leaders ang nabigyan ng buwanang tulong pinansyal bilang bahagi ng kanilang suporta sa programa. Ang hakbang na ito ay nagsilbing inspirasyon para sa iba pang lokal na pamahalaan na kilalanin ang mahalagang papel ng mga parent leader sa kanilang mga komunidad.
Sa katunayan, isinusulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapatibay ng House Bill No. 10388 o ang “Batas na Nagpapalakas sa Epektibong Pagpapatupad ng 4Ps sa Pamamagitan ng Pakikilahok ng mga Parent Leaders at Paglalaan ng Pondo para Rito.” upang bigyang pagkilala ang mahalagang papel ng 151,781 parent leaders ng 4Ps sa buong bansa sa matagumpay na pagpapatupad ng pambansang estratehiya sa pagbawas ng kahirapan. Ang panukalang batas na ito ay magbibigay ng mahahalagang mapagkukunan at suporta sa mga parent leaders, na kalaunan ay pakikinabangan ng 4.4 milyong pamilyang benepisyaryo ng 4Ps sa buong bansa.
Patuloy ang pangakong suporta ng lokal na pamahalaan ng Virac sa mga parent leaders sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region upang matiyak ang mas epektibong pagpa-patupad ng programa at ang patuloy na pag-unlad ng mga benepisyaryo nito.