“Ang mga 4ps ay tamad at umaasa na lamang sa ayuda ng gobyerno. Wala namang
nangyayari sa mga 4ps kaya sayang ang pera.” Ito ang mga katagang palaging
isinasampal ng mga tao sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala sa tawag na 4Ps. Ngunit bilang isang produkto nitong programa, ako ay labis na nalulungkot dahit sa mga nagsisilabasang mga komento, argumento at kung anu-ano pang pangbabatikos. Nais ko lamang iparating ang nilalaman ng aking puso sa mga katagang patuloy na ibinabato sa kanila [amin].
ANG MGA 4PS AY TAMAD AT UMAASA NA LAMANG SA AYUDA NG GOBYERNO
Taong 2011 nang napabilang ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino
Program. Si Mama ay isang plain housewife at si Papa naman ay isang mason. Pero kahit regular kaming nakakatanggap ng cash grants ay patuloy pa ring nagtatrabaho sina Mama at Papa dahil hindi naman talaga mapapagkasya sa dalawang buwan ang cash grants. Kaya kailangan pa ring kumayod. Kung tamad ka, mamamatay ka sa gutom. Aminin natin, ang mga nasa labor force na may regular income ay nagsisipag para may maiuwing pera para sa pamilya. Mas lalo na yung mga taong mahihirap na kulang sa oportunidad. Hindi madali noon para saamin ang buhay kahit nakakatanggap kami ng cash grants. Masakit din pakinggan ang mga panunumbat dahil sa natatanggap naming benepisyo. Nakakababa ng pagkatao. Yan ang araw-araw na isinasampal sa amin noon. Pero di namin ininda. bagkus mas lalo pa kaming kumapit sa layunin ng programa at lalo na sa Diyos. Mas lalo naming isinasapuso ito. Mas lalong sinipag sina Mama at Papa para naman sa gayon ay matustusan ang aming mga pangangailangan.
WALA NAMANG NANGYAYARI SA MGA 4PS KAYA SAYANG ANG PERA
“Matagal na sa programa pero mahirap pa din, malit pa din ang bahay, wala pang
nabibiling lupa o ari-arian, kaya sayang ang pera ng gobyerno”. Ito na ba ang batayan natin ng pagiging isang mayaman? Ang 4Ps ay isang programa na ang nilalayong pagtuunan ng pansin ay ang “human investment” (education, health, at responsible parenthood).
“Kailangan ninyong makapagtapos upang kung kayo ay magkaroon ng sarili ninyong mga pamilya, ay mabigyan ninyo sila ng magandang kinabukasan. Para matulungan niyo din ang iba pang mga nangangailangan.” Mga katagang paulit ulit na naririnig ko kina Mama at Papa.
Kaya bilang panganay sa limang magkakapatid, hindi pressure ang naramdaman ko sa mga katagang iyon, kundi inspirasyon na nagpalakas ng aking loob na magsumikap, para makapagtapos ng pag-aaral. Dinanas lahat ng sakripisyo, paghihirap habang nagkukumahog na makatapos ng pag-aaral. Nagreremedyo sina Mama para sa budget ko, nag-sideline ako bilang tutor, at kung ano ano pang ginawa para matustusan lamang ang aking pag aaral. Minsan nga ay saakin lang napupunta lahat ng cash grants na natatanggap nina Mama sa programa. Hanggang sa yun na nga, nakapagtapos ako sa kolehiyo noong 2014 sa kursong BS Social Work at taong ding yun ay natanggap bilang isang Project Development Officer II / Municipal Link sa DSWD Field Office V. Naging hudyat din ito ng kusang isinuko ni Mama ang kanyang benepisyo sa programa, dahil sa aming palagay ay naisakatuparan na sa aming pamilya ang layunin ng programa, at nais naman namin itong ibigay sa mas nangangailangang pamilya.
At hindi pa dito natatapos ang testimonya ko. Dahil meron pa. Last year [2019] lang nang nakapagtapos sa kolehiyo ang kapatid kong babae sa kursong Bachelor in Elementary Education. Bilang isang Kuya ay labis ang tuwa na dalawa na kaming nakapagtapos sa kolehiyo. Pero ito ang mas nakakaproud, kasabay niyang makapagtapos ng kolehiyo si Mama, sa pareho ring kurso. Dalawa ang toga na aking plinantsa noong nakaraang taon. From a Parent Leader to a Degree Holder. Return of investment, ika nga.
Dahil sa programa, nabago ang kaisipan ni Mama na wala sa edad ang pag aaral.
Hanggang may oportunidad na makapag-aral, kunin mo. Bibihira ang nabibigyan ng
ganoon. Palagi tayong may choice. At alam natin kung ano ang kahahantungan ng bawat bagay na pipiliin natin.
Bilang isang [dating] Municipal Link ng programang ito, ibinabahagi ko itong kwento sa mga benepisyaryo sa pagconduct ng Family Development Sessions (FDS) upang maging inspirasyon sa kanila na pag igihin pa na mapagtapos ang kanilang mga anak. Marami rin akong nakukuhang “success stories” mula sa mga pamilya na aking nakakasalamuha na talaga namang nakakaantig ng puso.
Ang programang ito ay hindi lamang tungkol sa perang kanilang natatanggap, kundi sa mga aral na nakukuha nila sa pamamagitan ng FDS O Family Development Sessions. Kaya sa mga taxpayers po jan, salamat po sa mga tax niyo. Hindi po yun nasayang. At ngayon, dahil sa inyo, isa na rin po akong taxpayer.
Sa kasalukuyan, isa nang Municipal Social Welfare Development Officer I si John Roland Lodado sa Baleno, Masbate.
Tungkol sa Programa
Sa pagsasabatas ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act o Republic Act
11310 noong April 2019, ang programa ay isang permanenteng pambansang istratehiya ng gobyerno upang puksain ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino upang mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon at edukasyon.
Hanggang pitong (7) taon makakatanggap ng benepisyo ang isang pamilyang
benepisyaryo ng programa. Ang boluntaryong pag-waive ng benepisyo sa programa ay maaaring pagdesisyunan ng pamilya kapag tumaas na ang antas at kalidad ng kanilang pamumuhay.
Maaring boluntaryo na mag-waive sa mga benepisyo ng programa kapag
napagdesisyunan nang pamilya na tumaas na ang antas at kalidad ng kanilang
pamumuhay. Itoý magbibigay daan upang mas marami pang ibang mahihirap na pamilya ang makapasok sa programa at nang maiwaksi ang sikulo ng kahirapan sa sambahayang Pilipino.