Hindi ko malilimutan ang araw na ako’y unang hinirang bilang Monitoring and Inspection Team (MIT) Leader sa programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong ika-18 ng Abril, 2017.
Ito ang unang taon na may ganitong proyekto sa aming komunidad, kaya’t puno ng pag-asa at pananabik ang aking dibdib habang iniisip ang mga pagbabagong maaaring idulot nito. Bilang isang Barangay Health Worker (BHW), nagpasya akong maging parte ng mga proyekto ng KALAHI-CIDSS upang mas makatulong sa pag-unlad ng aming barangay.
Kahit may ibang responsibilidad ako sa barangay, hindi ko pinapabayaan ang aking obligasyon bilang MIT head sa KALAHI-CIDSS. Hindi rin nawawalan ng pansin ang aking pagtulong sa paggawa ng mga project proposal at iba pang mga dokumento para sa programang ito. Bilang aktibong kalahok, regular akong dumadalo sa mga pa-training ng DSWD.
Kahit na ito ay humahantong sa pagtatrabaho hanggang sa mga oras ng gabi hanggang madaling araw at kahit na mahirap at kumplikado, hindi ito naging hadlang sa aking determinasyon at dedikasyon na makatulong sa pag-unlad ng aming komunidad. Ang lahat ng ito ay bunga ng aking layunin na magkaroon ng positibong ambag sa aming bayan, kahit pa anumang mga hamon ang dumating sa aking daan.
Tumatak din sa akin puso at isipan ang pakiramdam ng pagkakaisa sa aming barangay. Mula sa mga unang pulong, ramdam ko na ang suporta at kooperasyon ng mga residente. Bawat isa ay may kanya- kanyang ideya at suhestiyon, ngunit ang lahat ay nagkakaisa sa layunin—ang mapaunlad ang aming komunidad. Ang mga mata ng mga nakatatanda ay kumikislap sa tuwing nagkakaroon ng pag-asa, habang ang mga kabataan naman ay aktibong nakikilahok at nag-aambag ng kanilang mga kasanayan.
Naging magandang karanasan ko din ay ang araw ng aming groundbreaking ceremony para sa bagong kalsadang ipapagawa. Ang kalsadang ito ay matagal nang pangarap ng mga residente sapagkat ito ang mag-uugnay sa amin sa mas malalapit na bayan at magbibigay-daan sa mas madaling pagdadala ng mga produkto mula sa aming bukirin. Sa araw na iyon, kahit ang mga simpleng magsasaka ay nagkaroon ng bagong pag-asa na ang kanilang ani ay magkakaroon ng mas malaking kita. Naramdaman ko ang bigat ng responsibilidad sa aking mga balikat, ngunit higit pa rito, naramdaman ko rin ang init ng suporta at pagtitiwala mula sa mga tao.
Ngayon, bilang Treasurer at Bids and Awards Committee (BAC) head, patuloy ang aking dedikasyon sa pagpapatuloy ng mga proyektong makapagbibigay ng pagbabago sa buhay ng bawat isa sa aming komunidad. Hindi ko malilimutan ang mga araw ng pagsusumikap at pagtutulungan upang masiguro na ang bawat sentimo ay nagagamit nang tama at ang bawat proyekto ay naisasakatuparan nang naaayon sa plano. Ang transparency at integridad na aking natutunan at isinabuhay ay nagdulot ng tiwala mula sa komunidad, na siyang naging pundasyon ng aming tagumpay.
Sa aking paglingon, ang aking puso ay punong-puno ng pasasalamat at pagmamalaki. Ang KALAHI-CIDSS ay hindi lamang isang proyekto para sa akin; ito ay naging daan upang maramdaman ko ang tunay na diwa ng bayanihan at pagmamahal sa bayan. Sa bawat araw ng aking paglilingkod, natutunan ko na ang pinakamahalagang aspeto ng anumang proyekto ay ang puso at malasakit ng bawat isa na naglalayong magdulot ng positibong pagbabago. Ang mga karanasang ito ang aking babaunin habang patuloy akong naglilingkod, taglay ang pag-asa at dedikasyon para sa mas maunlad na bukas.
“Sa pagtutulungan at pagmamalasakit, nagkakaisa’t nagtatagumpay ang bawat isa.”
Salaysay ni CARMELITA S. MOREÑO ng Barangay Salanda, Sipocot, Camarines Sur