Paano nga ba nasusukat ang tagumpay? Isang tanong na may napakaraming pwedeng sagot. Ikaw, paano mo ba ito sinusukat?
Para kina Ely at Raquel Delos Santos, simple lang ang sukatan ng tagumpay: kapag kaya mo nang sabihin, “Pangarap ko lang dati itong kinalalagyan ko ngayon.”
Sino ba naman ang mag-aakalang si Aling Raquel, isang tindera, at si Manong Ely, isang tricycle driver, ay mayroon nang tatlong anak na nakapagtapos ng pag-aaral—may kanya-kanyang hanapbuhay at patuloy na umaangat sa buhay?
Ayon kay Nanay Raquel, nagsimula ang lahat sa kanilang munting tahanan sa Bato, Catanduanes. Doon nila binuo ang isang pamilyang unti-unting lumaki kung saan biniyayaan sila ng limang anak. Ngunit kasabay ng pagdami ng kanilang responsibilidad ay ang kakulangan sa kita ni Tatay Ely. Kaya naman, naisipan ni Nanay Raquel na magbukas ng maliit na tindahan.
Aminado siyang hindi pa rin sapat ang kinikita para matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Ngunit noong 2011, unti-unting gumaan ang kanilang pamumuhay nang mapasama sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
“Ang 4Ps ang naging liwanag sa daang tinatahak patungo sa aming mga pangarap,” ani Nanay Raquel.
Sa tulong ng programang ito, nabigyang-pansin ang edukasyon at kalusugan ng kanilang mga anak. Sa bawat Family Development Session na kanyang dinaluhan, unti-unti ring nahubog ang kanyang kaalaman hindi lang bilang magulang kundi bilang isang lider. Mula sa pagiging isang simpleng ina, naging Parent Leader siya sa kanilang barangay.
Lumipas ang mga taon, at isa-isa nang natupad ang mga pangarap ng kanilang mga anak. Si John Eric, ang panganay, ay nagtapos ng Bachelor of Elementary Education sa Catanduanes State University, nakapasa sa Licensure Examination for Teachers, at ngayo’y nagtuturo na sa isang paaralan. Si Ella Mae naman ay nagtapos ng Bachelor of Science in Information Management sa parehong unibersidad at isa na ngayong administrative staff. Ang isa pa nilang anak ay nagtapos ng kursong Food Processing sa TESDA at may sarili nang negosyo sa pagkain. Samantalang ang dalawa pa nilang anak ay patuloy pang nag-aaral.
Ang kanilang kuwento ay patunay na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-unlad lalo na kung ang pamilya ay buo, nagkakaisa, at may matibay na pananalig sa kinabukasan.
Ngayon, habang pinagmamasdan nina Raquel at Ely ang kanilang mga anak na unti-unting nakakamit ang tagumpay, isang bagay ang patuloy nilang pinanghahawakan: ang 4Ps ay hindi lamang ayuda. Isa itong paalala na sa bawat Pilipino, may pag-asa. At para sa pamilyang Delos Santos, ito ang naging daan patungo sa mas maliwanag na bukas.