Naniniwala ka ba sa “Perfect Timing”?

Marami ang mapapangiti, may kikiligin, at tiyak na may magtataas ng kilay. Pero para sa mag-asawang Raul at Janet Serinas ng Barangay Poctol, Pilar, Sorsogon, totoo ang “Perfect Timing”—ang tamang oras na dumarating sa gitna ng matinding pagsubok.

Sa kabila ng kahirapan, nanatiling positibo ang pananaw ng Pamilyang Serinas. Ang kanilang pangunahing kabuhayan ay ang pagtatanim at pagbebenta ng kamote at iba’t ibang gulay, kung saan ang buong pamilya ay nagtutulungan. Dahil sa kakulangan ng kita, hindi naipagpatuloy ng tatlo sa kanilang anim na anak—sina Jeralyn, Roy, at Gerald—ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo. Ngunit hindi ito naging hadlang upang mangarap at magsikap silang magtagumpay sa buhay.

Patuloy na naghahanap ng mga oportunidad ang mag-asawa upang makaahon mula sa kahirapan. Isa sa kanilang mga hakbang ay ang pagsubok na makapasok sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang programang pangkabuhayan. Kasabay nito, nagsikap sina Roy at Gerald na makapagpatuloy ng pag-aaral sa pamamagitan ng mga scholarship at technical trainings.

Isang araw, dumating ang pagkakataon para kay Gerald na makapag-aral sa TESDA bilang paghahanda sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Ngunit may mabigat na hamon: kinakailangan ng ₱17,000 para sa kurso. Halos sumuko na sila—ngunit sa mismong araw ding iyon, dumating ang payout mula sa 4Ps.

“Dahil sa 4Ps na ’yan, naniwala ako sa perfect timing—yung saktong-sakto sa pangangailangan. Parang milagro,” ani Nanay Janet.

At doon nagsimula magbago ang kapalaran ng pamilya. Natapos ni Gerald ang kanyang kurso at nakarating sa Hungary bilang isang machine operator. Di nagtagal, sumunod din si Roy at ngayon ay nagtatrabaho rin sa parehong bansa.

Habang nagsusumikap sa ibang bansa sina Gerald at Roy, patuloy namang lumalaban ang kanilang mga kapatid para sa edukasyon. Sina Jeralyn at Rowena ay kasalukuyang nasa huling taon ng Bachelor in Elementary Education sa Daraga Community College. Si Janice ay magtatapos ng Senior High School, habang ang bunsong anak na si Dave ay masigasig na nag-aaral sa daycare.

Bilang pagpapakita ng pasasalamat, naging aktibo sina Nanay Janet at Tatay Raul sa mga gawain at proyekto sa barangay. Si Nanay Janet ay naging volunteer ng KALAHI at nakatanggap din ng skills training mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) kung saan siya’y naging isang massage therapist. Isa rin siyang aktibong miyembro ng Barangay Poctol Pastoral Organization at ng Pilar Women’s Organization.

Samantala, si Tatay Raul ay naging Presidente ng ERPAT (Empowered Responsible Parents Association), Vice President ng Poctol Farmer’s Association at kasalukuyang Barangay Service Utility Driver.

Ang kwento ng Pamilyang Serinas ay patunay na sa likod ng bawat tagumpay ay may mga magulang na handang magsakripisyo, magtiwala, at gumabay sa bawat hakbang ng kanilang mga anak. Sa tulong ng mga programa tulad ng 4PS, sa kanilang walang sawang pagpupunyagi, at sa “Perfect Timing” na pag-asang unti-unti nilang matutupad ang kanilang mga pangarap.