
“Salamat sa 4Ps, nakaya namin.”
Isa lamang ito sa mga katagang madalas marinig ng ating mga Angels in Red Vests mula sa mga benepisyaryo—mga salitang binitiwan din ng Pamilyang Luna mula sa Barangay Mabalodbalod, Tigaon, Camarines Sur.
Ayon sa ilaw ng tahanan na si Venus Luna, hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan, lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Nasa Maynila ang kanyang asawa na si Edwin, nagtatrabaho bilang isang nursing assistant, ngunit dahil sa mahigpit na lockdown at paghina ng ekonomiya, lalong humirap ang kanilang kalagayan. Dalawa sa kanilang mga anak ay nasa kolehiyo na noon, kaya’t lalo pang lumobo ang gastusin ng pamilya.
“Alam niyo po kung ano ang naging diskarte namin? Nagnegosyo po kami, nagtinda kami ng pagkain,” pagbabahagi ni Venus.
Matagal nang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang kanilang pamilya. At ayon kay Venus, malaki ang naitulong sa kanila ng Family Development Sessions (FDS), lalo na sa pagtuturo ng disiplina sa pera at paghubog ng “solution-oriented” na pag-iisip—na naging susi sa kanilang pagnenegosyo.
“Dahil po sa financial literacy na itinuro sa FDS, natuto po akong mag-budget. Nagtipid kami, at ‘yung natatanggap mula sa 4Ps, pati na rin ang padala ng asawa ko, pinagkasya namin para sa pag-aaral ng mga anak at kapital sa negosyo,” dagdag pa ni Venus.
Ngayon na halos balik-normal na ang pamumuhay matapos ang pandemya, patuloy pa rin sa pagsusumikap ang Pamilya Luna. Sa pinakahuling Social Welfare and Development Indicator (SWDI), naabot na nila ang Level 3 o “Self-Sufficient” Status.
“Salamat po sa inyo, nakaya namin. Nalampasan namin ang lahat ng hamon,” ani Venus.
Hindi maikakaila na malayo na ang narating ng pamilya. Isa sa kanilang anak ay lisensyado nang guro, nagtuturo na sa pampublikong paaralan. Ang isa pa ay nakapagtapos ng kursong Agrikultura. Samantalang ang bunso, kasalukuyang nasa Grade 10, ay pursigidong makapagtapos rin.
Bilang payo sa kapwa benepisyaryo, hinikayat ni Venus na gamitin nang tama at maayos ang tulong mula sa 4Ps. Bagamat pansamantala ang ayuda, maaari itong maging simula ng pangmatagalang pagbabago.