Masbate City — Agad na tumugon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V-Bicol Region sa pangangailangan ng tatlong pamilyang naapektuhan ng sunog na naganap noong Hulyo 6, 2025, sa Brgy. Pawa, Masbate City.
Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog pasado alas-dose ng hatinggabi at idineklarang fire out dakong 1:45 ng madaling araw. Lumabas sa paunang imbestigasyon na ang sanhi ng sunog ay may kinalaman sa depektibong electrical wirings. Tatlong kabahayan ang nasunog, na ikinaapekto ng siyam na indibidwal.
Agad nagbigay ng tulong ang DSWD Bicol sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga food at non-food items tulad ng Family Food Packs, sleeping kits, hygiene kits, kitchen kits, collapsible water containers, purified drinking water, at laminated sacks. Bukod dito, inendorso din ang mga naapektohang pamilya para sa karagdagang tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program upang matulungan silang makabangon sa trahedya.
Patuloy ang DSWD Bicol sa pagbibigay ng mabilis na tulong at suporta sa mga pamilyang nasasalanta ng sakuna, alinsunod sa direktiba ng Pangulong Bongbong Marcos at DSWD Secretary Rex Gatchalian na protektahan ang kapakanan ng bawat Pilipino, lalo na sa panahon ng krisis.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD