Barangay Matacla, Goa, Cam. Sur – Pumapaibayo sa bakuran ng Matacla Elementary School (MES) sa Goa, Camarines Sur ang mga hampas ng martilyo. Ngayon, si Elmer Obias, ang kanilang leader, ay nakangiti habang nakikinita ang pagtatapos ng proyekto.
Mataas ang kisame nitong mga bagong silid, may mga bintana ito na malugod na binabati ang liwanag ng araw, kasya ang apat na pung (40) silya at may isang kasilyas bawat silid. Marahil ay handa na ito sa susunod na taong panuruan. Kaunti na lamang at may bago nang mapapasukan ang mga batang nagsisiksikan sa mga lumang silid.
Kaunti na lamang at ang pangarap na inasam ni Elmer mula pa pagkabata ay kanya nang makakamit—ang pagnanais na makapag-iwan ng pamana, ang pagnanais na ibalik ang mga tulong na natanggap niya sa kanyang tanang buhay.
At sa wakas, makikita na niya ang gintong latak ng kakaibang yaman na ipinagkaloob sa kaniya sa pamamagitan ng KALAHI-CIDSS project—ang makapagsilbi.
Ang KALAHI-CIDSS ay proyekto ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development o DSWD) kung saan pinagkakaisa ang mga residente tungo sa pag-unlad ng kani-kanilang komunidad.
“Ang proyektong ito ay nakatutulong sa mga pamilya na may mababa hanggang sa walang kita, pinapabuti din nito ang pagsasamahan ng mga residente, at higit sa lahat, nabibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na makatulong,” aniya.
Ang mga bagong silid na itinatayo sa MES ang unang KALAHI-CIDSS project na ipinagkaloob sa Brgy. Matacla, ang lugar na kumalinga sa pamilya ni Elmer sa nakalipas na mga taon. Bukod pa dito, sa MES din nagtapos ng elementarya si Elmer kaya’t ang pagtulong sa proyekto ay isang paraan ng pagbabalik tanaw niya sa regalo ng karunungang hatid ng eskwelahan.
“Isa ito sa magpapakita na ang proyekto ng KALAHI-CIDSS ay umiiral. Hindi ito ‘yung sinasabing ‘moro-moro’. Sinubukan ko at basta makikipagsapalaran ako at patunayan ko na may nagawa,” idinagdag niya.
Mababakas sa mukha ni Elmer ang mga linya ng pagpupunyagi. Ang kaniyang mga kamay ay pinapalamutian ng mga kalyo buhat sa iba’t ibang mapagkakakitaang trabaho. Ngunit bakas man sa bawat hulma ng kaniyang ngiti ang hirap, mas nangigibabaw pa rin ang taos na pasasalamat. May kakaibang saya na pumapaligid sa kanya.
“Pinagpaguran ng mga tao ditto ang proyektong iyan na mabebenipisyuhan ang mga anak namin dahil dyan din sila pumapasok,” dagdag ni Elmer.
Kung minsan, hindi makapaniwala ang ilan kung paano nagagawa ni Elmer ang maraming bagay. Gamit ang kaniyang kakayahan sa pagkakarpintero, naitayo niya ang bahay para sa kaniyang pamilya. Maging ang improvised pushcart na sinasakyan niya para makarating sa iba’t ibang lugar ay siya rin mismo ang gumawa. Kailanman, hindi niya itinuring na hadlang ang kaniyang kapansanan.
“May ilang nagtaas ng kilay sa pagsali ko sa proyektong ito. May mga nagsabing, ‘Bakit isinali niyo pa ang may kapansanan?’ Balakid ang kanilang pangungutya ngunit nagsilbi itong hamon sa akin at kailangan kong panindigan ang paglahok ko dito,” aniya.
Samantala, ipinihayag ni Marife Swing, isang guro sa nasabing paaralan ang kanyang pasasalamat sa dagdag na silid para sa mga mag-aaral ng ika-anim na grado.
“Hinihintay na namin na matapos sapagkat madilim ang mga lumang silid at may kasilyas ito,” dagdag ni Swing.
Mga paghamon
Dalawang taong gulang si Elmer noon nang madulas sa malumot na daan. Ilang araw siyang napako sa higaan dala ng mataas na lagnat at bali sa balakang. Ngunit ang inaasahang pansamantalang pagkalumpo ay hindi na gumaling. Sa murang edad, si Elmer ay habangbuhay nang pinilay ng polio.
Gayunpaman, sa kabila ng pag-aalinlangan, naging masigasig si Elmer sa pag-aaral. Nagtapos siya sa elementarya, nagpatuloy sa sekondarya at sa determinasyong maitawid ang kolehiyo ay naging self-supporting student siya bilang ahente ng mga encyclopediang pampata. Noong 1996, nakamit niya ang diploma para sa apat na taong kurso sa Business Administration sa University of Nueva Caceres sa Naga City.
Inaamin niyang nahirapan siyang maghanap ng mapapasukan dahil sa kaisipan na hindi siya hulma sa pamantayan ng lipunan. Ilang taon din siyang palipat-lipat ng trabaho hanggang sa mabigyan siya ng pagkakataong manilbihan sa kapitolyo bilang job order employee noong 2003.
Bilang radio staff, bahagi ng kaniyang trabaho ang maghatid ng kaniyang opinyon at mag-komentaryo sa programa sa radyo ng panlalawigang pamahalaan. Mababa ang kita at maliit ang tsansya niya na maisaregular, ngunit sa hirap ng kompetisyon, nagtagal siya sa posisyon sa loob ng halos anim na taon.
Sa trabahong iyon ay kumikita siya ng mababa lamang kada buwan at tinutugunan na lamang ito ng kaniyang asawa na nangangatulong sa San Jose na may buwanang kita na PHP3,000. Lima ang mga supling ng mag-asawang Obias at apat sa mga ito ang nag-aaral: ang 16 taong gulang na nasa Grade 10; 15 taong gulang na nasa Grade 8; 13 taong gulang na nasa Grade 7 at 11 taong gulang na nasa Grade 4. Pinagsasama nila ang kanilang buwanang kita upang matugunan ang lahat ng kanilang mga gastusin.
Ngunit matapos ang kontrata sa kapitolyo ay pahirapan muli ang paghahanap buhay para sa 47 taong gulang na si Elmer. Dahil dito, nakipagsapalaran sa Maynila ang kanilang 19 taong gulang na panganay na anak na namamasukan ngayon bilang pahinante upang makatulong sa kanilang pamilya.
Si Elmer ay isa rin sa libu-libong benepesyaryo ng 4Ps. Ito ay ang conditional cash transfer grants ng gobyerno para sa mga pinakamahihirap na pamilya. Sa tulong nito, nakatatanggap ang kaniyang pamilya ng PHP3,600 o PHP3,200 kada ikalawang buwan depende sa pagsunod sa kondisyon ng programa.
Mga oportunidad at bagong simulain
Ang bahagi ng pera ay ginagamit ng pamilya ni Elmer bilang puhunan sa kanilang munting pagkakakitaan. Maliit man ang balik ay regular ito, aniya. Bumibili siya ng iba’t-ibang klase ng paninda tulad ng paminta, bawang, sibuyas, tawas at chlorine; nirerepak niya ang mga ito at inilalako sa mga tindahan mula sa Barangay Mabaludbalod hanggang Salvacion.
Malayo ang kaniyang nararating gamit ang kaniyang improvised pushcart at miminsang pagsakay sa jeep kung kinakailangan. Ang buong araw niya ay nag-uumpisa at nagtatapos sa paggampan ng tungkulin bilang huwarang ama.
Piso ang bentahan niya ng bawat piraso ng kaniyang paninda. Sa mga araw kung kailan malakas ang kita, nag-uuwi siya ng lampas P500 at P100-150 naman kung matumal. P700 ang kaniyang puhunan sa hanapbuhay na ito.
Isang regalong maituturing ang mapabilang si Elmer sa mga volunteers ng Simon of Cyrene Community Rehabilitation and Development Foundation, Inc., isang organisasyong nakabase sa Tigaon, Camarines Sur na naglalayong matulungan ang mga may kapansanan o Persons With Disabilities (PWDs). Sa tulong ng organisasyon, natuto si Elmer na gumawa ng mga prosthetic legs at napabuti niya pa ang kaniyang kakayahang makiharap sa mga tao. Sa ngayon, regular na iniimbitahan si Elmer bilang tagapagsalita at tagasanay ng mga PWDs sa Simon of Cyrene.
Mapalad na maituturing iyong minsang araw na siya ang lumahok sa pagtitipon sa mga kasapi ng 4Ps. Dito, siya ay naitalagang chairman ng Barangay Sub-Project Management Committee (BSPMC), ang nagsisilbing tagapagpatupad ng mga proyekto ng KALAHI-CIDSS sa komunidad.
“Mas nadagdagan ang kumpiyansa ko sa sarili habang napapadalas ang pagharap ko sa mga tao. Dahil sa paglahok ko sa mga seminar, marami akong nakilala kabilang na iyong mga hindi ko inaasahan tulad na lamang ng direktor ng DSWD sa rehiyon at iba pang mga opisyal,” sambit niya.
Makulay ang kaniyang karanasan bilang kasapi ng KALAHI-CIDSS. Bawat patak ng oras ay nagiging makabuluhan. At kung noon na pangarap lamang ang makatulong, ngayon ay unti-unti nang nakukulayan ang matagal na niyang dasal na makapaghatid ng inspirasyon sa kapwa. Sa lahat ng pagkakataon, hindi niya rin nakakalimutang ipaalala ang higit na mahalaga—ang pagbabahagi.
“Kailangan mong magbahagi. Huwag mong itago kung anong alam mo at kung anong meron ka. At kung sila ay may alam din, ibabahagi rin nila ito dahil ikaw ay nagsilbing modelo. Sa pagbabahagi nagsisimula ang pagganyak,” sabi niya.
Marami pa ang pagdadaanan ni Elmer bilang ama ng kaniyang mga supling at bilang responsableng mamamayan ng kaniyang komunidad. Kung tutuusin, hindi niya ikayayaman ang pagtulong bagkus madadagdan pa nito ang kaniyang responsibilidad. Ngunit sa kaniyang pananaw, ang mga kalyong madadagdag sa kaniyang mga kamay ay bahagi ng mga gintong latak ng pagsisilbi – para sa kanyang kapwa at komunidad.
“Kapag nakapaglaan ka na ng ilang taon sa pagbabahagi ng iyong sarili, pag-vovolunteer ng bukal sa loob, kahit sa mga simpleng salita lamang ng pasasalamat ay bawi ka na,” sambit niya. #JVEG/RSMO/DSWD Kalahi-CIDSS