Jose Panganiban, Camarines Norte – Sa maliliit na bahay kubo na napapalibutan ng mga panamin, makikita sa mga bintana ang malalaking ngiti ng mga Manide, isang katutubong tribo na namumuhay sa bulunbunduking parte ng Barangay Osmea sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte. Ang nasabing lugar ay deklaradong lupaing ninuno, kung saan mahigit sa 26 na ektarya ang nasasakupan nito.

Kasalukuyan, nasa 52 pamilyang Manide ang naninirahan sa nasabing barangay.

Kitang kita ang payak na pamumuhay ng mga katutubo. Sa gitna ng kanilang mapayapang komunidad, marilag na nakatayo ang isang day care center.

Sa pagbukas ng pintuan ng silid aralan, buong ipinagmamalaki ni Ricky Noblesala, 24 anyos, ang kanilang naipatayong imprastraktura sa ilalim ng DSWD Kalahi-CIDSS na naging simbolo ng pagkakaisa ng kanilang tribo.

Ang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) ay isang proyekto ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development) kung saan pinapalakas nito ang partisipasyon ng mga ordinaryong mamamayan sa kanilang mga komunidad.

Ayon kay Ricky, nakita nila ang pangangailangan ng mga katutubo ng isang day care center para makapag-aral ang mga batang Manide at mahubog din ang kanilang kaisipan sa mga bagong kaalaman.

“Nakita namin na dumarami ang mga batang nangangailangang pumasok sa paaralan subalit malayo ang lalakarin ng mga bata kaya naisip namin ang day care center,” ani ni Ricky.

Malaking Pagbabago

Sa modernong panahon, marami ang mga pagbabago hindi lamang sa mga taga-lungsod pati rin sa mga Manide.

Sa una, sila ay mahiyain at takot sa mga taga-lungsod dahilan sa kanilang masamang karanasan katulad ng diskriminasyon at pang-aabuso.

Natatakot silang makihalubilo sa mga tao dahilan sa kanilang paniniwala na gagamitin sila bilang kasangkapan.

Pero unti-unti itong nabago, matapos naisabatas ang karapatan pangtao sa mga katutubo o Indigenous People Rights Act (Republic Act 8371).

Mas lalong lumakas ang loob ng mga Manide dahil sa mga trainings o seminars na ibinibigay ng mga iba’t-ibang ahensya kung saan ipinaalam sa kanila ang mga benepisyo na pwedeng makuha ng isang katutubo.

Mahalaga kay Ricky na naging parte siya ng Kalahi-CIDSS kung saan isa siya sa mga community volunteers sa nasabing proyekto.

“Katulad ng mga seminar na aking dinaluhan, natutunan ko ang simpleng bookkeeping. Mas natutuunan ko ng pansin bilang katutubo na hindi lang kami umiikot sa aming lupaing ninuno dahil pwede rin kaming makihalobilo, lumabas at ipahayag ang aming nalalaman,” sambit niya.

Kasama rin sa mga pagbabago na kanilang nararanasan ay ang edukasyon kung saan maraming Manide ang natututong magbasa at magsulat hindi lamang ang mga bata pati rin ang mga matatanda.

Si Ricky ay nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Camarines Norte State College kung kaya’t ibinabahagi niya ang kanyang mga natutunan sa kapwa niyang katutubo.

Nagtatrabaho siya bilang isang day care worker kung saan tinuturuan niya ang mga batang Manide simula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng umaga.

Ayon kay Ricky, malaki ang naitulong ng day care center dahil ito ang nagpalapit sa kanila sa edukasyon.

“Dito sa day care center, makikita ang kahalagahan ng edukasyon,” sabi niya.

Hindi na rin namomoroblema ang mga katutubo sa maputik na daanan tuwing bababa sila sa bayan dahil mayroon nang ipapagawang access road sa kanilang komunidad na may habang 1.3 kilometro simula sa Manide village hanggang sa day care center.

Hindi na rin mahihirapan ang mga sasakyan na makapunta sa komunidad dahil magiging patag na ang daanan kung saan mas mapapadali ang paghahatid ng serbisyo sa mga Manide.

Pagiging Bukas sa mga Taga-Lungsod

Unti-unti nang naging bukas ang mga Manide sa mga tao sa bayan gayundin ang mga taga-lungsod sa mga Manide.

Ayon kay Ricky, kaya na nilang makihalobilo sa mga taga-lungsod, malaya na rin sila at kaisa na ang kanilang tribo sa mga aktibidad ng mga taga-bayan.

Idinagdag pa niya na malaki rin ang suporta ng barangay sa kanilang mga aktibidad pangkatutubo katulad ng Indigenous Peoples’ Week kung saan ipinagdiriwang nila tuwing buwan ng Oktubre.

Kitang kita sa mga mata ni Ricky na punong-puno siya ng mga mithiin para sa kanyang tribo at hinahangad niya na matutugunan ang kanilang mga pangangailangan katulad ng karagdagang kagamitan sa pag-aaral.

Positibo rin ang community volunteer na dadami ang mga katutubong makakapagtapos sa kolehiyo.

“Sa ngayon, kaya na naming patunayan na bilang katutubo may kaalaman na rin kami. Kaya na rin naming makisabayan sa mga tao at alam na rin namin ang mga karapatan ng mga katutubo,” paliwanag ni Ricky.

Dala ng pag-unlad sa teknolohiya, sumasabay na rin ang mga Manide sa modernong panahon. Mayroon ng cellphone at Facebook account si Ricky kaya mas napapadali ang komunikasyon.

Kahit man maraming pagbabagong nangyayari sa kasalukuyan, hinding-hindi iiwanan ni Ricky ang tribo.

Ayon sa kanya, mas mahalaga pa ang kanyang tribo kumpara sa makipagsapalaran sa ibang lugar.

“Mas masaya ako na kaharap ko ang kapwa ko katutubo. Dito ako lumaki, kaya paninindigan ko na isa akong katutubo. Proud na proud ako na parte ako ng tribo,” buong galak na sinabi ni Ricky.

Tungkol sa DSWD Kalahi-CIDSS

Nasa Php 327.403 milyon ang grant allocation sa probinsya ng Camarines Norte habang Php 4.503 milyon naman ang local counterpart contribution (LCC) galing sa mga lokal na pamahalaan para maponduhan ang mga sub-projects.

Sa munisipyo ng Jose Panganiban, nasa 22 proyekto ang nabigyan pondo, kung saan ang dalawa nito ay sa Barangay Osmeña.

Isang day care center na may halagang Php 837,000.00 ang nagsisilbi ring evacuation center ng mga Manide.

Habang Php 3,929,574.00 naman ang pinaglaanan ng DSWD at Php 11,426.00 ang LCC sa pagpapasemento ng access road.

Para sa karagdagang impormasyon bumisita sa aming website : http://ncddp.dswd.gov.ph/site/faqs

/ramsertan/