Tambilagao, Bacacay, Albay – masayang pamilya Vista

 

Ako po si Amy B. Vista, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino
Program (4Ps) ng Barangay Tambilagao, Bacacay, Albay. Kami ay nakatira
sa isla na malayo sa siyudad at walang regular na transportasyon at
mararating ng mahigit isang oras. Laking pasasalamat ko na isa ako sa mga
napili ng programang 4Ps dahil natulungan ang aking pamilya at napapag-aral ko

ang aking mga anak. Salat man at hikahos sa pang-araw-araw, ang
aking pamilya ay simple at masayang namumuhay. Karugtong ng
paghihirap ay ang pagsusumikap naming mag-asawa na maitaguyod ang
aming pamilya. Ako ay naghahabi ng banig at ang aking asawa naman ay
nagtatrabaho bilang isang laborer. Ika nga, hindi hadlang ang paghihirap
para bumangon sa araw-araw para ito ay punan ng mas mayabong na
pagmamahal sa bawat miyembro ng aming pamilya. Hindi perpekto ang
buhay, kaya naman kailangan magsumikap at magtulungan.

Ang pagpasok ng taong 2020 ay hindi madali sa aming pamilya dahil sa
mas madaming dagok na aming kinaharap. Ito ang taon na aming inakala
na simula ng aming pagbangon dahil kami ay namatayan ng isang anak
noong taong 2018. Mali ang aming inakala, dahil kasunod din nito ang
pagkakasakit ng aking bunsong anak na si Edrian. Mayroong namumuong
laman sa kanyang lalamunan na habang tumatagal ay lalo itong lumalaki.
Mas naging miserable ang aming buhay pagpasok ng taong ito dahil sa
COVID-19 pandemic na lubhang nakaapekto sa aming pamilya. Ang aking
asawa ay hindi nakapag-trabaho at naging limitado ang aming kilos kung
paano pupunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.

 

Naghahabi ng banig si nanay Amy pandagdag sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya

 

Mahabang panahon ang aming iniukol sa pagpapagamot kay Edrian. Siya
ay una naming dinala sa BRTTH noong December 20, 2018 na kung saan
sumailalim siya ng Xray at ang naging resulta ay mayroon daw siyang
pneumonia. Kami ay nirefer sa Rural Health Unit ng aming bayan para sa
libreng gamot. Natapos ang anim na buwan na gamutan ngunit wala pa ring
pagbabago sapagkat iniinda pa rin niya ang sakit sa lalamunan. Dahil sa
paglala ng kanyang kondisyon, kami ay muling komunsulta sa doktor at
kami ay gumastos ng mahigit sampung-libong piso sa kanyang
pangangailangang medikal. Inabisuhan din kami na kailangang
maoperahan ang aking anak sa Maynila sapagkat walang nag-oopera sa
ganung sakit ng anak ko sa BRTTH. Subalit kailangan ng malaking halaga
ng pera. Isa na naman na dagok ito sapagkat hindi kaya ng aming pamilya
at wala kaming kamag-anak sa Maynila na matutuluyan.
Ang pagpasok ng taong 2020 ay masalimuot para sa amin at naging
dobleng hirap dahil sa COVID-19 pandemic. Sobrang takot at pag-aalala
ang aming naranasan at kung paanu ipagpapatuloy na maipagamot ang
aming anak. Wala kaming maayos na hanap-buhay at dahil nga sa kami ay
mahirap lang. Kaya napapaisip na rin ang aking anak na panganay na
huminto na sa kaniyang klase upang hindi na raw siya pabigat sa akin pero
hindi ako sumang-ayon at pinagpatuloy ko parin siya sa kaniyang pag-aaral.
Kami man ay may konting naimpok ngunit hindi sapat para tustusan ang
iba pang pangangailangan. Kaya naman malaking tulong ang cash grants
na aming nakukuha sa 4Ps para matugunan ang pangunahing
pangangailangan.

 

Ilang buwan ang lumipas at nakikita kong sobrang namamayat na ang
katawan ng aking anak at parang nahihirapan na siyang lumunok ng
pagkain kaya nagdesisyon na kaming ipagamot siya kahit walang
kasiguraduhan kung saan kami kukuha ng pera. Hanggang sa naisip ng
panganay kong anak na kunan ng litrato ang kaniyang lalamunan at ipost
sa social media para humingi ng tulong. Yun nga ang nakita ko sa aking
Facebook account na maraming handang tumulong para maipagamot
namin ang aking anak, kaya biglang gumaan ang aking pakiramdam.
Tinulungan din kami ng aking panganay na kapatid na pumunta sa aming
bahay upang dalhin na ang aking anak sa hospital. Binigyan kami ng
referral na dalhin sa Bicol Medical Center (BMC) sa Naga City.

 

 

Chronic Hypertrophic Tonsils – makikita ang laman na namumuo sa lalamunan ni Edrian Vista

 

Habang nakatayo kaming mag-ina na hawak ang mga papel, nang biglang
may kumalabit sa akin na isang babae na hindi ko naman kilala ay agad
niya akong niyaya na magpaxerox ng lahat ng mga resibo ng laboratory at
sasamahan niya daw ako na humingi ng tulong sa Malasakit Center upang
mabawasan ang babayarin namin sa laboratory. Laking pasasalamat ko
kasi may taong biglang tumulong sa akin, kung hindi ay malaking halaga
ang babayaran ko sa laboratory ng aking anak. Naghintay kami ng labing
isang linggo bago nakuha ang lahat ng resulta. At nang magpacheck-up ulit
kami ay nabasa na ng doktor ang result ng kaniyang laboratory ay binigyan
na ng schedule ng operasyon ang aking anak.
Noong December 13, 2020 ay inadmit na ang aking anak. At ang kaniyang
operasyon ay December 15, 2020 dahil inobserbahan pa siya ng mga doktor

bago pa ang oras ng kaniyang operasyon. Sinabi ko sa doktor na
gawin ang lahat upag maging matagumpay ang kaniyang operasyon dahil
sobrang napakaganda ng boses ng anak ko, kinahiligan niya ang pagkanta
at sobrang hanga ako sa kanyang talento. At ayaw ko nang may mawala
pa sa aking mga anak.

Makalipas ang walong oras ay tinawag na ako ng doktor na nasa recovery
room na daw ang aking anak at agad na gumaan ang aking pakiramdam.
Sinabihan ako ng doktor na humanap ng sorbetes dahil yun ang una niyang
kakainin. Laking pasasalamat ko sa mahal na Panginoon kasi dahil sa
Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa mga taong nagbigay ng
donasyon para sa operasyon ay naging matagumpay ang operasyon ng
aking anak na si Edrian. Dahil sa tulong nila ay nalutas ang pagsubok na
aming tinatahak sa buhay. Nawa’y maging inspirasyon kami sa mga
pamilyang may pagsubok na tinatahak sa ngayon na maging matatag at
huwag panghinaan ng loob na malampasan ito, bagkus ay manalangin tayo
sa taas at magtiwala na malalampasan natin lahat ng pagsubok na
dumating sa ating buhay.

Gusto kong maibahagi ang kwento kung paano kami nakabangon sa krisis
sa panahon ng pandemya dahil sa epekto nito sa pang-araw-araw naming
gawain. Lahat ng ito ay nalagpasan dahil sa pagsusumikap naming mag-asawa,

pagdadasal at tamang pagbudget sa nakukuhang cash grants mula
sa 4Ps. Naging inspirasyon ng aking panganay na anak ang lahat ng
pagsubok upang magpursige sa pag-aaral. Kahit na sukong-suko na siya
ay hindi tumigil na mangarap upang mabigyan ng magandang buhay ang
aming pamilya sa hinaharap. Kaming pamilya at malapit na kamag-anak
ang kanyang naging inpirasyon upang hindi bumitiw. Naniniwala rin ang
aking asawa na sa bawat pagsubok na dumadating ay kailangang maging
matatag dahil walang pagsubok na hindi kakayanin na binigay ang
Panginoon. Sa halip maging positibo upang lahat ay malagpasan. Bilang
isang ina, ang maibabahagi ko sa kapwa benepisyaryo ko ay huwag tayong
panghinaan ng loob na lutasin ang problemang dumarating sa ating buhay,
bagkus ay isipin na kaya natin itong lampasan at laban lang. Huwag
kalimutang humingi ng tulong sa poong Maykapal.