Hindi nakapagtapos ng hayskul si Analyn Echemane at maagang nagkapamilya. Sunod-sunod rin ang pagbubuntis sa tatlong anak. Isang jeepney
drayber naman ang kanyang asawa, habang siya ay walang trabaho
sapagkat siya ang nag-aalaga sa mga anak. Hindi naging madali na
pagkasyahin ang kinikita ng asawa para sa kanilang lumalaking pamilya
lalo sa pang-araw-araw na mga kailangan ng mga anak.
Laking pasasalamat ni nanay Analyn nang mapabilang sa Pantawid
Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa taong 2012. “Nung una maliit pa lang
ang natatanggap namin na cash grant pero napakalaking tulong na nito
dahil naibsan ang pangagailangan namin sa pang-araw-araw tulad ng
pagkain, gatas ng mga bata, pati na din mga kagamitan sa pag-aaral.”
Bukod pa sa basic needs, napagtanto ng mag-asawa na kung aasa lamang
sa cash grant, kapag natapos sila sa programa ay wala na silang aasahan.

Kaya’t nagdesisyon sila na ipag-patuloy ni nanay Analyn ang pag-aaral.
Nag-enrol at nakapagtapos siya sa tulong ng Open High School Program
ng DepEd. Subalit matapos ang hayskul ay wala pa rin nakitang pagbabago
sapagkat wala pa rin maayos na trabaho si nanay Analyn. Kaya’t
ipinagpatuloy muli ang pag-aaral sa kolehiyo na may pang-gabi na iskedyul.
“Doon dumating yung pinakamahirap na struggle namin noon, yung kita ng
asawa ko sapat lang sa pangangailangan ng pamilya, yung cash grant sa
4Ps nakalaan iyon sa pag-aaral at kalusugan ng aking mga anak. Dumating
yung point na first year pa lamang ako, wala na akong pamasahe. Nung
second year naman kinailangan kong magpromissory note dahil wala ako
pambayad sa tuition.” Gusto na sana huminto sa pag-aaral ni Nanay
Analyn, subalit ginamit niyang motibasyon ang pangungutya sa kanya ng
mga tao sa paligid dahil nagpatuloy siya ng pag-aaral ngayong matanda na
at may pamilya. Sa puntong iyon, nakiusap si nanay Analyn sa kanilang
Municipal Link na yung cash grant ay magamit bilang pambayad sa tuition
sa pag-asang makakatapos sa pag-aaral at maiahon ang kanyang pamilya
sa kinasadlakang kahirapan. Taong 2018 nang makapagtapos si nanay
Analyn sa kolehiyo sa Daraga Community College. Sa taong ding iyon ay
hindi siya nakapasa sa Licensure Exam for Teachers (LET). “Pinagtawanan
ako, talk of the town ako dito [sa barangay]. Talagang iniyak ko iyon sa
Panginoon, sabi ko: Lord, gusto mo bang mapahiya ako? Eto,
pinagtatawanan ako. Nangarap lang naman ako bilang isag ina, nangarap
na mabago ang buhay dahil hindi habang buhay nasa 4Ps ako. Gusto ko
mabago ang buhay namin.” Taong 2019 nang muling mag-exam si nanay
Analyn at sa wakas makapasa sa LET.

Rawis, Legazpi City – Nanay Analyn (ikatlo mula sa kaliwa) kasama ang limang mga anak na sina Angel Mae, Bhea, Gabriel, Nicole at Kim Cyrine

 

Sa kasalukuyan, nag-aaral pa ang kanilang limang anak: ang panganay ay
graduating sa Marine Transportation, ang ikalawa at ikatlo ay nasa kolehiyo,
ang pang-apat at bunso ay nasa hayskul. Marami din ang kanilang
natutunan sa Family Development Session na ibinabhagi sa kanilang mga
anak. Binibigyang prayoridad ang kanilang edukasyon, kalusugan at
pagkain nang masustansya. Natuto din sila ukol sa pagbabadyet at pag-iipon.

Ibinahagi din ni nanay Analyn na ang mga gamit gaya nang bike o
selpon na nagagamit sa pag-aaral ng mga anak ay pinagsikapan at pinag-ipunan

ng kanyang mga anak.
“Yung Pantawid tinutulungan na tayo tumawid, kailangan din nating
humakbang patungo sa ating target”, ani nanay Analyn. Sa kasalukuyan,
naging aktibong volunteer at maraming oportunidad ang dumating sa kanya
– kasalukuyang Parent-Leader (2018-2021), naging treasurer sa CardBank,
at treasurer din sa simbahan na kanilang aktibong dindadaluhan nang
kanyang pamilya. Nagtatrabaho din si nanay Analyn sa tindahan ng
kanyang kamag-anak habang nag-iipon para sa pag-apply sa DepEd.
Patuloy naman ang pag-gabay at hikayat ng kanilang Municipal Link upang
matulungan si nanay Analyn makahanap ng trabaho na may regular na kita.