Sila ang pamilya Sabdao na nakatira sa San Francisco, Guinobatan, Albay.
Noo’y sa isang barong-barong sa may tabing ilog na gawa sa kahoy sila
naninirahan. Wala rin silang kuryente o anumang aparatong de kuryente.
Marami nang bagyo ang nagdaan na sumira sa kanilang tahanan, subalit
sila ay bumabalik pa din kahit delikado, sapagkat wala na din silang ibang
mapuntahan. Normal na sa kanila ang pagtaas ng tubig sapagkat sila ay
nasa tabing-ilog. Na-washout na din minsan ang kanilang bahay nang
bagyong Reming, ngunit hindi sila pinanghinaan at ipinaayos muli ang
bahay. Bagkus, nagawa pang mangutang ni Nanay Antonia upang ipagawa
muli ang bahay.
Maliit lamang ang kinikita ng mag-asawa na kadalasa’y nagkukulang sa
pang-araw-araw nilang pamumuhay. Si nanay Antonia ay nagtitinda ng
mga kakanin at ang kanyang asawa nama’y namamasukan sa
konstraksyon na arawan ang bayad. Pareho ding hindi nakapagtapos ng
pag-aaral ang mag-asawa. Kaya’t lubos ang pasasalamat ng pamilya
Sabdao na mapabilang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang
Pilipino Program (4Ps) sa taong 2011. Dahil dito, napagtuunan nila ang
patuloy na pag-aaral ng mga anak. Ang kanyang panganay ay
kasalukuyang nasa 2nd year college, ang ikalawa at ikatlo ay nakapag-tapos
na ng Senior High School, at ang bunso ay kasalukuyang nasa Grade 8.
Ang pinakamalaking dagok ay dumating sa taong 2020 nang niragasa ng
Super Typhoon Rolly ang rehiyong Bicol na nagdulot ng pagdausdos ng
mga bato at lupa – dahilan upang matabunan nang tuluyan ang tahanan ng
pamilya Sabdao. Bukod dito, nauna munang binaha sila ng bagyong Quinta
at matapos ng Super Typhoon Rolly ay dumaan naman ang bagyong
Ulysses. Mahirap ang naging desisyon ng pamilya na tumira sa evacuation
area sapagkat may pandemya. Ngunit wala na rin silang ibang matuluyan.
May halong takot at pangamba, ngunit naging positibo lamang ang kanilang
pananaw.
San Francisco, Guinobatan – ipinakita ni nanay Antonia ang nasirang bahay na natabunan ng
lupa at putik
Laking tuwa nang napabilang ang pamilya ni nanay Antonia sa isang daang
pamilya na marerelocate sa Mauraro, Guinobatan sa ilalaim ng programa
ng Office of the Vice President (OVP), katuwang ang lokal na pamahalaan
ng Guinobatan, Albay. Ang rellocation site ay pinangalanang Angat-Buhay
Village. Ang mga bahay ay pinagtutulong-tulungan maitayo ng mga boluntir
mula sa mga pamilya na mabibinyayaan ng pabahay katuwang ang ilan sa
mga namamamasukang trabahador nang OVP. Sa Setyembre ay opisyal na pasisinayaan at ililipat sa pangangalaga ng isang-daang pamilya na
nasalanta ng Super Typhoon Rolly ang mga kabahayan. Maliit man, subalit
siguradong ligtas at makakapagsimulang muli ang pamilya Sabdao.
Maliban sa asistansya at interbensyon na tulong ng Pantawid Pamilyang
Pilipino Program (4Ps), nakatanggap din ng asistansya si nanay Antonia
bilang Internally Displaced Person (IDP) sa tulong ng Sustainable
Livelihood Program (SLP) at nakatanggap din ng family food packs na
ipinmahagi naman ng Disaster Response and Management Division
(DRMD) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kabila ng sunod-sunod na unos na kanyang napagdaanan, masayahin
at may gayak pa rin sa kanyang mga mata. Aniya: “Sumunod tayo sa
gobyerno at magpasalamat sa tulong na ating natatanggap sa pagpapaaral
sa ating mga anak. At kahit anong pagsubok ang dumating, basta’t
nananalig tayo sa Diyos, makakaraos din tayo.”
Sa kasalukuyan, si nanay Antonia ang hinirang na presidente ng Angat-Buhay Village.
Nakatulong din ang pagiging parent-leader nya simula 2011
hanggang 2015. At ngayong 2021, sya ay muling nahalal bilang parent-leader ng mga
kapwa benepisyaryo ng 4Ps sa kanilang lugar. Ang kanyang
asawa naman ay namamasada ng naipundar nilang sariling traysikel.
Magkatuwang sila sa pagtaguyod at pagpapalaki ng maayos sa mga anak.