Balidasyon ng non-poor na sambahayang benepisyaryo ng 4Ps sa Sta. Cruz, Sorsogon City

Sa direktiba ng pamunuan ng Kagawarang ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o
DSWD, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay kasalukuyang nagsasagawa ng
balidasyon sa buong bansa sa mga sambahayang benepisyaryo kaugnay sa mga natukoy na
non-poor o hindi na mahihirap batay sa Listahanan 3. Ito ay nagsimula sa buwan ng Agosto at
inaasahang matatapos ngayong Setyembre.

Ang isinasagawang balidasyon ay upang masiguro na ang mga kwalipikadong sambahayan ay
mananatiling benepisyaryo ng Programa, samantalang ang mga sambahayang nakitang non-poor sa resulta ng isinasagawang balidasyon ay kailangang mag-exit na mula sa programa. Ito
ay upang magbigay-daan sa iba pang kwalipikadong mahihirap na sambahayan na mapabilang
sa Programa. Sa pagproseso ng balidasyon, kasabay ding isinasagawa ang pagtutugma ng datos mula sa Listahanan 3. Ang mga makikitang hindi na mahihirap ay agad irerekomenda ng Programa na mag-exit.

Ang mga nakitang hindi na mahihirap na sambahayang benepisyaryo sa Listahanan ngunit sa
isinagawang balidasyon ng Programa ay mahihirap pa rin ay hinihikayat na magsampa ng apila
sa Listahanan para ito ay kanilang maaksyonan at hindi matanggal sa Programa.

Ang Batas Republika Blg. 11310 or 4Ps Act ay malinaw na isinasaad na tanging mga mahihirap
na sambahayan lamang ang kwalipikadong maging miyembro ng Programa at ito ay pinipili mula sa Listahanan.

Hinihikayat ng 4Ps ang lahat ng sambahayang benepisyaryo na makipagtulungan sa lahat ng
mga manggagawa ng DSWD-4Ps na nagsasagawa ng balidasyon para masiguro ang kalinisan
at integridad ng database ng 4Ps.

Habang naghihintay sa resulta ng isinasagawang balidasyon, pansamantalang suspendido ang
pagbibigay ng cash grants simula Period 3 (June-July) sa mga nasa Listahanan na hindi
mahihirap para maiwasan ang pagbayad sa mga hindi na dapat makatanggap ng cash grants.

 

Balidasyon ng Sambahayang 4Ps sa Rehiyong Bikol
Sa rehiyong Bikol, patuloy ang balidasyon sa 79,832 sambahayang benepisyaryo ng 4Ps. Sa
probinsya ng Albay mayroong 21,125, sa Camarines Norte mayroong 5,548, sa Camarines Sur
mayroong 23,217, sa Catanduanes mayroong 5,274, sa Masbate mayroong 12,697, at sa
Sorsogon mayroong 12,280 na sambahayang benepisyaryo ng 4Ps.

May kabuuhang bilang na 391,660 benepisyaryo ng 4Ps sa Rehiyong Bikol, na isa sa may
pinaka-maraming benepisyaryo ng programa sa buong bansa.