
Ilang beses na nating narinig ang kasabihang ito noong tayo’y mga bata pa—mga salitang paalala ng ating mga magulang na sa bawat pagtitiyaga, may magandang bunga. Pero paano kung ang “nilaga” ay sobrang kunat at hirap palambutin? Titigil ka na lang ba sa pagluluto, o mas lalo mong pagbubutihin at dadagdagan ng pang-gatong? Ito mismo ang tanong na buong tapang na hinarap ng mag-asawang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na sina Gerry at Cristina Belleza mula sa San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte.
Sama-samang Pagsusumikap para sa Pangarap
Ayon kay Cristina, simple lang naman noon ang pangarap nila ng kanyang asawang si Gerry, isang jeepney driver—ang magsikap para makaranas ng kaunting ginhawa sa buhay. Ngunit nang dumating ang apat nilang anak na sina John Carlo, Cristine Joy, Jerome, at Casey Mei, mas naging matayog ang pangarap: ang maitaguyod ang pag-aaral ng mga ito.
Aminado si Cristina na hindi sapat ang mangarap lang, kailangang sabayan ito ng pagsusumikap. Ngunit kwento niya, kahit anong tiyaga, may mga panahong tila kulang pa rin na parang naubos na ang panggatong, pero matigas pa rin ang nilaga.
Hanggang sa dumating ang taong 2011. Taong iyon, napabilang ang kanilang pamilya sa 4Ps—isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng tulong pinansyal kapalit ng pagsunod sa ilang kondisyong makatutulong sa edukasyon, kalusugan, at kabuuang kagalingan ng mga benepisyaryo.
Hindi sinayang nina Cristina at Gerry ang pagkakataon. Buong puso nilang tinanggap at tinutukan ang mga kondisyon ng programa: regular ang pagdalo ni Cristina sa Family Development Sessions (FDS), palagian ang pagpapakonsulta sa health center, at tiniyak nilang nasa maayos na kalagayan ang kanilang mga anak—pisikal, mental, at emosyonal.
Paglago sa Gabay ng Kaalaman at Malasakit
Sa pamamagitan ng FDS, mas lumawak ang pananaw nina Cristina bilang mga magulang at bilang miyembro ng komunidad. Natutunan nila ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon sa pamilya, matalinong paggamit ng pera, at pagbibigay ng kalidad na oras sa mga anak. “Hindi lang ito tungkol sa ayuda,” ani Cristina. “Marami kaming natutunan kung paano magplano at umasenso nang may disiplina. Natutunan namin ang tamang paggamit ng cash grants, at kung paano mas paghusayin ang aming pamumuhay.”
Bunga ng Tiyaga at Pagmamahal
Unti-unti, nagbunga ang kanilang sipag at dedikasyon. Dalawa sa kanilang mga anak ay matagumpay nang nakapagtapos ng kolehiyo—isang malinaw na patunay na walang imposible sa pamilyang may pagkakaisa at matibay na pananalig.
Si John Carlo, ang panganay, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Marine Transportation sa Mariners’ Polytechnic College Foundation of Canaman, habang si Cristine Joy naman ay nagtapos ng Bachelor of Arts in English Language sa Camarines Norte State College. Hindi naging hadlang ang kahirapan. Sa halip, naging inspirasyon ito upang mas magpursige at mas lalong magkaisa bilang isang pamilya. “Kasabay ng tulong mula sa 4Ps, kami ni Gerry ay nagsikap ding ibigay ang lahat ng kaya namin para sa aming mga anak lalo na sa kanilang edukasyon,” dagdag pa ni Cristina.
Isang Kwento ng Pag-asa at Tagumpay
Ang kwento ng pamilyang Belleza ay kwento ng maraming Pilipinong nangangarap ng mas magandang bukas. Mga pamilyang, sa kabila ng hirap ng buhay, ay patuloy na nagsisikap, nagkakapit-bisig, at hindi bumibitaw sa pangarap na matikman ang mainit na sabaw ng tagumpay.
Tunay ngang, “basta may tiyaga, may nilaga.” At sa nilagang ito, ang mga sangkap ng tagumpay ay hindi lang tiyaga, kundi pagmamahal, pagkakaisa, at isang programang tulad ng 4Ps na patuloy na nagsisilbing dagdag-panggatong sa mga pamilyang Pilipino na, kahit anong hirap, ay hindi nawawalan ng pag-asa sapagkat alam nilang sa bawat hirap, may katapat na ginhawa.